Nagpaalam na sina Alexandra “Alex” Eala ng Pilipinas at Janice Tjen ng Indonesia sa women's doubles tournament ng Abu Dhabi Open matapos matalo sa tambalan nina Tereza Mihalikova ng Slovakia at Olivia Nicholls ng Great Britain, 6-4, 6-2, sa semifinals nitong Biyernes.

Tumagal ng isang oras at 16 minuto ang laban, na nagsilbing pagtatapos ng kampanya ng Southeast Asian duo sa torneo.

Naging dikit ang laban sa unang set, 5-4, bago tuluyang masungkit nina Mihalikova at Nicholls ang panalo sa naturang set.

Sa ikalawang set, agad na nabaon sa iskor na 0-3 sina Eala at Tjen bago muling makabawi. Gayunman, ipinakita nina Mihalikova at Nicholls ang kanilang lakas upang masiguro ang puwesto sa finals.

Unang natapos ang kampanya ni Eala sa Abu Dhabi Open sa singles nitong Huwebes nang matalo kay Ekaterina Alexandrova sa quarterfinals.

Matapos ang kampanya niya sa Abu Dhabi Open, inaasahang tutungo naman si Eala sa Doha para sumabak sa Qatar Open na magsisimula sa Linggo.

Simula noong Enero, sunod-sunod na ang laban ni Eala gaya ng ASB Classic na umabot siya sa semifinals, bago itinanghal na kampeon ng Kooyong Classic exhibition tournament.

Maaga naman siyang napatalsik sa Australian Open, pero umabot naman sa quarterfinals sa katatapos lang na Philippine Women's Open.—FRJ GMA Integrated News