Umiwas munang magkomento si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado sa anunsyo ng Pangalawang Pangulo na si Sara Duterte na tatakbo ito sa pagkapresidente sa halalan sa 2028.

“Nothing really. That's her choice,” sabi ni Marcos sa kaniyang pagbisita sa Naga City, habang nakatayo katabi ni dating bise presidente at Naga City Mayor Leni Robredo, sa kaniyang inspeksiyon ng mga flood control project sa lugar.

Tumanggi rin ang Pangulo na magkomento kaugnay sa posibilidad na maging running mate ni Duterte ang kapatid niyang si Senadora Imee Marcos.

“Again – again this is all politics. I’m not going to – we're not going to discuss politics now,” sabi niya.

Sinabi rin ni Marcos na hindi politikal ang kaniyang pagbisita sa Naga City kundi bahagi ng serbisyo publiko sa gitna ng mga usapin na kinokonsidera si Robredo na tumakbo sa pagkapangulo sa pambansang halalan sa 2028.

“Alam mo hindi namin pinag-uusapan iyun. I think mayor will agree with me na serbisyo muna bago politika,” anang Pangulo.

Dagdag pa ni Marcos, “The most political thing that we did today, I wore my pink socks in honor of Mayor Leni.”

Tinutukoy ni Marcos ang kulay rosas na ginamit ni Robredo sa kaniyang kampanya sa pagkapangulo ngunit natalo ni Marcos noong 2022 presidential election. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News