Nagsasagawa ng search and retrieval operations sa Rizal Provincial Sanitary Landfill sa Rodriguez, Rizal matapos na gumuho ang bahagi ng bundok na mga basura noong Biyernes. Tatlo ang iniulat na nawawala pero patuloy pa itong kinukumpirma ng mga awtoridad.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, ipinakita ang isang amateur video clip ilang sandali matapos na mangyari ang pagguho.

Pinapangambahan na may mga tao na natabunan ng mga basura.

“Nagulat lang din ako, biglang may mga daming nasigaw eh. Ayan, mga tao, nasa baba na,” saad ng taong nare-record ng video.

“Nakikita namin mula sa aming puwesto na nag-aakyatan ang mga tao,” dagdag niya.

Ayon kay Atty. Mark Delos Reyes, spokesperson at legal representative ng International Solid Waste Integrated Management Specialist Inc. (ISWIMS), ang may-ari at namamahala sa pasilidad, nangyari ang insidente dakong 3:00 pm sa Phase 5 ng landfill.

Kinumpirma niya na may tatlong bulldozers na natangay sa pagguho ng mga basura.

Nakuha na umano ang mga heavy equipment at kinukumpuni na. Nagtamo naman umano ng minor injuries pero ligtas ang mga operator ng mga makina

Gayunman, hindi masabi ni Delos Reyes kung ilan ang nawawala sa nangyaring insidente.

“Wala pa pong kompirmasyon sa site po kasi mahirap lang pong magbigay ng numero ngayon. Baka sakali eh lumabas po sa aming imbestigasyon na iba naman po ang numero na lumabas.

Inihayag naman niya na ang bigat ng mga heavy equipment ang dahilan ng pagguho ng mga basura.

"Dahil po sa bigat po ng aming bulldozer, medyo gumuho po ang mga siksik na basura,” pahayag niya.

Inaalam din ng mga awtoridad ang bilang ng mga nawawalang tao.

“Hindi pa ho natin ma-confirm dahil wala pa ho tayong pangalan,” ayon kay Police Lt. Col. Arwin Gaffud, Rodriguez chief of police.

“At the same time, wala pa ho tayong official report na maibibigay. Considering na wala pa rin pong maibigay na report ang management, sila po ang magko-confirm kung talagang may nangyari, may mga biktima ho talagang nasama doon sa basura,” dagdag niya.

Sa kabila ng nangyari, patuloy naman ang pagdating ng mga garbage trucks sa pasilidad para magtapon ng basura.

Sa isang pahayag naman mula sa local government ng Rodriguez, sinabing batay sa impormasyon mula sa disaster and environment offices nila, may tatlong tao na iniulat sa paunang imbestigasyon na nawawala.

“Our concerned offices are continuously working with the private operator of the landfill, ISWIMS, in monitoring the situation to discover the whereabouts of such persons and adequately address the situation,” saad nito.

Nanawagan sila sa mga awtoridad na imbestigahan ang insidente.

Ayon naman sa Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB) sa Calabarzon, masusi nilang minomonitor ang nangyari na tinawag nilang “trashslide” sa landfill. – FRJ GMA Integrated News