Duguan ang isang 48-anyos na truck driver matapos pagsasaksakin ng katrabaho niyang truck driver sa Barangay Sto. Niño, Marikina City noong Sabado ng hapon.

Nagtamo ng mga sugat sa kaniyang batok, tenga, at likod ang biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya, kagagaling lang sa day off ng suspek na humiling ng isa pang araw ng pahinga mula sa trabaho. Pinagtalunan daw nila ito ng kaniyang pahinante. 

Sinubukan lang daw awatin ng biktima ang alitan ng kaniyang mga katrabaho subalit nauwi ito sa pananaksak.

“Ang sinabi po nung witness natin na isang helper or pahinante na 'kung mago-off ka pa eh di sasampa na lang ako sa ibang driver.' Medyo minasama ng suspek 'yung pagkakasabi. Itong ating biktima na narinig 'yung misunderstanding ng dalawa, nag-intervene po siya, pinaghiwalay niya na kung saan ay medyo naitulak niya 'yung suspek,” ayon kay Police Colonel Jenny Tecson, hepe ng Marikina City Police.

“Akala naman niya ay wala na kasi umalis din 'yung suspek eh, 'yun pala pumunta sa kaniyang truck, kumuha ng ice pick, at pagbalik ay kaniya nang sinaksak 'yung ating biktima,” dagdag niya.

Ayon sa pulisya, base sa pahayag ng biktima, lasing umano ang suspek nang mangyari ang pananaksak. 

Isinugod sa ospital ang biktima at nagpapagaling pa.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan siya ng pahayag. 

Sa follow up operation, naaresto ng pulisya ang suspek na nagtago raw sa compound ng trucking company na kanilang pinagtatrabahuhan.

Hindi na narekober sa suspek ang ginamit na patalim. 

Aminado ang 32-anyos na suspek na si alyas Gleen sa krimen. Self-defense daw ang nangyari. 

Nanaksak daw siya dahil pinagtulungan siya ng kaniyang mga katrabaho. Dagdag pa niya, nakainom din ang pahinante at biktima.

“Nag-iinuman po kami nun, ma’am, nung time na 'yun, marami po kami. May patalim po 'yung pahinante, siya po 'yung unang nag-amba sa akin,” pahayag ng suspek.

“Humihingi rin po ako ng pasensiya dun sa nangyari dun sa nagawa ko sa tao na nasaksak ko eh nung time po na 'yun kasi eh halos pagtutulungan na po nila akong dalawa. Self defense po 'yung ginawa ko po,” dagdag niya.

Sa custodial facility ng Marikina Police nakakulong ang suspek na nahaharap sa reklamong frustrated homicide. —AOL GMA Integrated News