MMDA General Manager Nicolas Torre III. File photo

Inihayag ni dating Philippine National Police Chief Gen. Nicolas Torre III, na nanguna sa pagdakip kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaya ito nadala sa The Hague, na wala siyang pinagsisihan sa ginawa niyang pagpapatupad ng batas.

Halos isang taon matapos ang naturang pag-aresto, si Torre na ang bagong general manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

"Ang sinabi ko kanina ‘yon ay walang halong personal na motibo. ‘Yon ay professional lang, utos ng batas at kailangan dapat gawin," pahayag ni Torre sa panayam ng Super Radyo dzBB ngayong Lunes.

Dinakip si Duterte sa Maynila noong March 2025 sa bisa ng arrest warrant na ipinalabas ng International Criminal Court (ICC).

Ngayong Lunes nakatakdang kompirmahin ang sakdal laban kay Duterte ng Pre-Trial Chamber sa ICC, kaugnay ng kinakaharap niyang kaso na crime against humanity dahil sa maraming nasawi sa kaniyang kampanya kontra ilegal na droga.

"Regarding sa confirmation hearings, malinaw sa atin na ito ay isang seryoso at formal na proseso ng batas at dapat ito ay igalang nating lahat," giit ni Torre.

"Ang papel ko sa pag-aresto at pagpapadala kay Former President sa Hague, ginawa ko lang naman yun bilang pagtupad sa tungkulin -- professional, naayon sa batas, walang halong personal na motibo. Ang papel ko lang ay ipatupad ang batas at hindi husgahan ang kaso," dagdag niya.

Sa posibilidad na kasuhan siya dahil sa kaniyang ginawa, sinabi ni Torre na, “They can file the appropriate charges, and many already have, but none have gained traction so far."

"So I would like to believe that opinions should be respected, but substantiating them in court is an entirely different matter," sabi pa ni Torre.

Sa sandaling makumpirma ang kahit na isang kaso laban kay Duterte, kasunod na nito ang pormal na paglilitis sa dating pangulo.— Sundy Locus/Ian Cruz/FRJ GMA Integrated News