Sa kuha ng CCTV sa isang apartment building sa Barangay Ampid Uno San Mateo Rizal pasado alas- singko ng madaling araw nitong Linggo, kita ang isang nakasombrero at naka shorts na lalaking naglalakad.

Lumingon-lingon siya sa pinasukang gate at saka siya dumiretso ng lakad paakyat. 

Sa second floor, naglakad ang lalaki, hinubad ang kaniyang tsinelas at sumilip sa dinaanang bintana at tinangkang buksan ang gate sa dulo.

Nang hindi niya ito nabuksan, umalis ang lalaki at umakyat sa third floor ng apartment building.

Nagmasid-masid ang lalaki—na nakasuot ng asul na long sleeves at itim sling bag. 

Lumapit siya sa bahay pero agad na umalis at bumaba.

Pagbalik niya sa first floor, kita ang lalaking tila may inaabot sa bintana ng isang bahay. 

May punto pang sinilip niya sa may gate ng apartment ang kalsada para tingnan ang mga taong dumaraan.

Maya maya pa, kitang bumalik siya loob at binuksan ang sliding window ng isang bahay.

Naglakad pa siya sa may hallway, hinawakan ang isa pang bintana, saka tuluyang lumabas ng gate!

Natangay ng lalaki ang isang cellphone.

“Hindi po kasi nag alarm yung cellphone ng asawa ko. So, nagising na siya ng kusa, hinanap niya yung cellphone niya sa may bandang ulonan sa may unan. Hinalughog namin yung mga higaan, yung mga unan, wala talaga," sabi ni ngelica na asawa ng nanakawan ng cellphone. 

Chineck nila ang mga CCTV at doon nalaman na pinasok na pala ang kanilang apartment building. 

“Dahan-dahan lang po niyang binubuksan 'tong screen hanggang sa inaabot niya na po yun, siguro po mga 2 minuto lang po yun na nakuha niya po kaagad yung cellphone. Nagtry pa nga po siya dito buksan yung doorknob pero naka lock po, di niya ma-open,” dagdag pa niya. 

Nasa labing limang libong piso raw ang halaga ng ninakaw na cellphone.

Nai-report na raw sa barangay ang insidente. 

Ayon sa mga tanod, hindi residente ng ampid uno ang suspek. 

“'Yun po ay dayo talaga po ma’am. First time ko lang nakita yung mukha na yun ma’am eh. Pinakalat na po yung itsura niya, katunayan meron kaming nakapaskil pa diyan sa ibang barangay. Continuous naman po ang aming pag inform sa aming istasyon sa san mateo police,” saad ni  Rodne Miraflor dela Fuente, BPSO Deputy, Brgy. Ampid Uno.

Patuloy ang pagtunton ng mga awtoridad sa salarin. —VAL GMA Integrated News