Nagtamo ng mga sugat ang isang motorcycle rider at kaniyang partner na angkas matapos sumalpok ang kanilang motorsiklo sa isang ambulansiya na may pasyente sa panulukan ng San Marcelino Street at UN Avenue sa Maynila.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News Unang Balita nitong Martes, sinabing naganap ang insidente pasado 5 a.m.
Iniinda ng lalaking rider ang sakit sa kaniyang hita, samantalang sa balikat naman ang babaeng angkas. Pareho silang nakaligtas sa aksidente.
Papasok pa lang sana ang mag-partner na security guard nang sumalpok sila sa ambulansiya, ayon sa ama ng lalaking naaksidente.
“Ginising lang po ako ng asawa ko na sabi papuntahin ako rito sa UN, gawa ng nadisgrasya raw sila sa motor. Nakahiga na siya rito, dalawa na sila. Akala ko siya lang mag-isa, kasama pa niya ang girlfriend niya,” sabi ni Demetrio Capacio, kaanak ng isa sa mga naaksidente.
Hindi nagtamo ng galos ang ambulance driver, habang tinamaan ng bubog ang dalawang pasiyente na dadalhin sana niya sa isang ospital sa Quezon City.
“Mag-drop naman ako ng Ortho at saka NKTI Heart Center. ‘Pag lampas ko rito sa may San Marcelino, bigla na lang bumalandra ‘yung motor sa likod ko, sa side. Galing po siya rito. Didiretso siya,” sabi ni Billy Matubis, driver ng ambulansiya.
Patuloy ang imbestigasyon ng Manila Traffic Bureau sa nangyaring aksidente. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
