Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Bulacan Governor Daniel Fernando na isuko ang mga baril na nakapangalan sa kaniya, sa kaniyang mga security escort, at ang mga sasakyang sangkot sa isa umanong insidente ng road rage sa North Luzon Expressway (NLEX) noong Sabado.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ng DILG na naibalik na umano ang mga armas at sasakyan, ngunit patuloy ang imbestigasyon ng Land Transportation Office (LTO) tungkol sa umano’y pang-aabuso ni Fernando sa paggamit ng expressway.
Tinawagan umano ni Interior Secretary Jonvic Remulla si Fernando noong Linggo matapos makatanggap ng ulat na hinarangan ng convoy ni Fernando ang sasakyan ng isang anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa NLEX noong Sabado ng gabi.
"It doesn’t matter if it was a presidential son or not. Naging ugali na ni Gov. Fernando na kapag nabiyahe siya ng NLEX ay 4 na lane ang occupied niya na walang puwedeng mag-overtake," ayon kay Remulla.
"Daig pa ang presidente kung bumiyahe. So regardless kung sino ang naging victim that was wrong,” dagdag ng kalihim.
Una nang itinanggi ng Malacañang na anak ng pangulo ang sangkot sa nasabing insidente noong Sabado. Hindi rin kinumpirma ni Remulla kung may presidential son nga na nakasakay sa umano’y hinarang ng convoy ng gobernadora.
Gayunman, sinabi ni Remulla na may iba pa siyang natanggap na impormasyon laban sa umano’y pang-aabuso ni Fernando sa paggamit ng expressway na dapat nang matigil.
Sinubukan ng GMA Integrated News na makipag-ugnayan sa mga numerong nakapangalan kay Fernando, ngunit wala pa itong tugon. —FRJ GMA Integrated News
