Isang 29-anyos na lalaki ang inaresto matapos na tangkang ibenta ang ninakaw na motorsiklo sa Mayamot, Antipolo City.
Nakita sa CCTV footage ang pag-aligid sa bahay ng biktima ng isang lalaking nakasuot ng sombrero at facemask sakay ng isang motorsiklo
Ayon sa biktimang si Rochelle Miraflor, unang napansin ng kaniyang anak ang lalaking. Hindi raw nila napansin na bumalik pala ang ito at ninakaw ang motorsiklong nakaparada sa kanilang harapan.
“Nung bumalik po siya naka-mask na siya, tapos kinuha niya 'yung motor diyan sa harapan. Bale ang ginawa niya, hinila muna niya 'yung motor para hindi namin marinig, hanggang dun sa may gilid, tapos pagdating dun pinagana na niya 'yung motor. Nag U-turn na siya tapos pagdating dito malapit sa amin, hininto niya ulit, dito sa may gilid, dito niya ulit pinaandar, nung pag ano ng anak ko na narinig niya 'yung motor, bigla siyang gumanun umikot nang paganito, hindi niya na nahabol 'yung suspek,” pahayag ng biktima.
Inireport nila ang insidente sa barangay.
Sa follow up operation, nakunan ang suspek sakay ng ninakaw niyang motorsiklo.
Nakitang lumabas siya sa F. Oldan Street patungong sa Sumulong Highway at lumiko patungong Soliven Avenue. Pumasok din siya sa kalsada ng Cadena de Amor at napag-alamang pumuntang Orchid Street kung saan siya naninirahan, ayon sa barangay.
“Nagkataon din, ang nakuhanan ng motor ay nagcheck sa online. Nakita niya 'yung motor niya, ibinebenta na nung suspek. Gumanap na buyer 'yung may-ari,” ayon kay Rico Paulo Estanislao, kapitan ng Brgy. Mayamot.
Nakipag meet up daw ang may-ari sa suspek. Una nilang usapan sa isang eskwelahan, nalipat sa isang mall sa kalapit na barangay, hanggang sa nauwi sa pakikipagkita sa isang mall sa Barangay Mayamot.
“Nung nagkahabulan, dun siya tumakbo dun papunta sa motor nataon na na-trap na natin at 'yung motor na mismong ninakaw ay 'yun na rin po 'yung gamit niya para sa diretsong pagbenta,” sabi ni Estanislao.
Narekober ng mga awtoridad ang ninakaw na motorsiklo na ayon sa biktima ay pinalitan ng plaka ng suspek.
Ayon sa barangay, nakapambiktima pa ng ilang bahay ang suspek dalawang araw bago ang pagnanakaw nito ng motorsiklo.
“Nung nahuli na po natin naglabasan din 'yung mga complainant, marami siyang nakuhang mga cellphone sa mga bahay-bahay at talagang kung sino madaanan niya o may makita siyang pwedeng kunin, kinuha niya, at ultimo uniporme ng estudyante kinuha niya rin,” ayon kay Estanislao
Tinangay din daw ng suspek ang aabot sa P10,000 cash ng isa sa mga biktima.
Depensa ng suspek, “hiniram” lang niya ang kinuhang motor.
Ibabalik din daw niya ito matapos gamitin.
“Ginamit ko lang pong service…. Wala naman po akong intensyong kunin talaga 'yun eh, wala po akong intensyong ibenta 'yun. Ibabalik ko rin po 'yun… humihingi po ako ng pasensiya sa may ari ng motor,” pahayag ng suspek.
Sinampahan ng reklamong theft ang suspek na nakakulong sa Antipolo City custodial facility.—AOL GMA Integrated News
