Arestado ang isang lalaki na nahuli-cam na naglabas ng patalim para saksakin umano ang kaniyang kumpare sa Quezon City. Ang live-in partner ng suspek na isang pulis, damay at inaresto rin nang makita namang naglabas ng baril.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV camera na bumaba sa motorsiklo ang mag-live in partner na suspek at hinabol ng lalaking armado ng patalim ang biktima.
Nakatakbo naman ang biktima at naitawag sa Quezon City Police District ang insidente kaya naaresto ang lalaki at ang babaeng pulis.
Ayon sa hinabol na lalaki, kumpare niya ang suspek.
Nagsimula umano ang kanilang alitan sa simpleng tampuhan nang ipahiya siya sa social media ng lalaking suspek.
Sinusubukan pang kunan ng panig ang mag-live-in partner na hinuli.
Hindi muna nagpaunlak ng panayam ang pulisya sa insidente pero nangako silang magiging patas sila sa imbestigasyon.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
