Inihayag ng ilang bansa sa Middle East na tinarget sila ng Iranian missiles nitong Sabado matapos mangako ang Tehran na gaganti sila sa ginawang pag-atake naman sa kanila ng Amerika at Israel.

Iniulat ng state media sa United Arab Emirates na isang tao ang nasawi sa Abu Dhabi, ngunit walang ibinigay na detalye.

Ang Kuwait, Qatar, UAE, at Jordan — na pawang may base militar ng US — ay nagsabing naharang nila ang mga missiles ng Iran.

"All occupied territories and the criminal US bases in the region have been struck by the powerful blows of Iranian missiles. This operation will continue relentlessly until the enemy is decisively defeated," ayon sa Revolutionary Guards ng Iran.

Kinumpirma ng Bahrain ang isang pag-atake sa loob ng teritoryo nito at sinabing tinamaan ang isang service center ng US Fifth Fleet. Isang video mula sa saksi ng Reuters ang nagpakita ng makapal na kulay-abong usok malapit sa baybayin ng maliit na island country habang madidinig ang mga sirena.

Ayon sa limang saksi, kabilang ang dalawang correspondent ng Reuters, narinig ang malalakas na pagsabog sa buong Abu Dhabi. May ilang residente ang nakatanggap ng alerto sa telepono na magtungo sa pinakamalapit na ligtas na gusali at lumayo sa mga bintana dahil sa banta ng missiles.

Isang saksi ang nagsabi sa Reuters na nakarinig siya ng limang magkakasunod na pagsabog na nagpagalaw sa mga bintana ng isang bahay malapit sa Corniche ng Abu Dhabi. May iba pang saksi sa mga lugar ng Al Dhafra at Bateen ang nakarinig din ng malalakas na pagsabog.

May nakita rin na mga fighter jet na umiikot sa paligid ng Yas Island sa Abu Dhabi noong Sabado ng hapon.

Sa Qatar, sinabi ng militar sa isang pahayag na na-intercept nila ang mga missile ng Iran bago pa man ito makarating sa kanilang teritoryo. Ilang sunod-sunod na pagsabog ang narinig sa kabisera ng Qatar na Doha.

Matapos maglabas ng babala ang US Embassy na magtungo sa mga taguan sa Doha, marami pa ring residente ang nagpatuloy sa kanilang karaniwang gawain. May mga namimili sa mga supermarket, may mga nagtutungo sa tabing-dagat, at isang dilaw na double-decker tour bus na puno ng mga turista ang dumaan sa distrito ng West Bay ng lungsod.

Sinabi naman ng Kuwaiti military na naharang nila ang missiles ng Iran sa himpapawid, habang sinabi ng Jordan na napabagsak nito ang dalawang ballistic missile ng Iran.

Sinuspinde ng mga pandaigdigang airline ang mga flight sa buong Gitnang Silangan, at ipinakita ng mga flight map na halos walang laman ang himpapawid sa ibabaw ng Iran.— mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News