Timbog ang isang tauhan ng Philippine Coast Guard dahil sa paniningil niya ng pera na aabot sa P300,000 kapalit ng pagtulong umano sa mga nag-a-apply na makapasok sa ahensiya.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing dinakip ang suspek na may ranggong Petty Officer 1 sa ikinasang entrapment operation ng pulisya sa Redemptorist Road sa Parañaque Huwebes ng hapon.

Ayon sa Southern Police District, nagsimula ang operasyon matapos magsumbong ang isang aplikante nang hindi tumupad sa pangako ang suspek.

Nangako umano ang suspek sa mga aplikante ng PCG na tutulungan silang makapasok pero magbabayad sila ng pera.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, kadalasang target ng suspek ang mga aplikante na hindi pamilyar sa proseso ng recruitment.

"Karamihan po sa nilalapitan niya ay mga taga-probinsya and nagpapanggap nga po siya na tutulungan itong makapasok, kapalit ng malaking halaga na hinihingi niya sa ating mga biktima,” sabi ni Police Lieutenant Margaret Panaga, PIO, Southern Police District.

Umaabot sa P300,000 umano ang hinihingi ng suspek kada aplikante. Pumapayag din umano ang suspek sa installment, na naging daan naman para makapagkasa ng entrapment sa kaniya.

Inaalam na ng pulisya kung may mga kasabwat ang suspek.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang suspek, na nasa kustodiya na ng SPD.

Mahaharap siya sa patong-patong na reklamo, kabilang ang robbery extortion, estafa, at paglabag sa Cybercrime Prevention Act at anti-graft law.

Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng SPD sa PCG para makapagsampa ng kasong administratibo sa suspek.

Batay sa pahayag ng PCG, sinabi nila na agad mag-ulat sa kanila sa oras na makaranas ng kagayang modus. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News