Nahuli-cam ang pagsusuntukan ng ilang kabataan sa ibabaw ng umaandar na jeep habang hinahabol ng kanilang mga kasamahan ang sasakyan sa East Service Road sa Taguig. Ang driver ng jeep at isang rider, nadamay pa sa gulo.

Sa ulat ni Darlene Cay sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang video ng paghabol ng mga bata sa umaandar na jeepney, habang nagsusuntukan ang mga kasamahan nila sa bubong nito.

Makikitang pumaibabaw ang dalawang batang lalaki sa isa pang bata, na kanilang minura at sinuntok.

Isang dumaraang rider ang kumuha sa video madaling araw ng Biyernes.

“Nakita ko ang mga bata tumatakbo tapos ‘yung isang bata na mahaba 'yung buhok tumatakbo sa taas ng jeep, nagsusuntukan sila, lumalaban pa siya eh. Ang bilis ng takbo kasi kaya sabi ko sa jeepney driver na may nagsusuntukan para huminto siya,” sabi ni Quil Cailing, rider na nakasaksi sa gulo.

Bumaba ang mga bata pagkatigil ng jeep, pero hinabol pa nila ang isang batang lalaki. Naipit sa gulo ang dalawang dumaraang motorsiklo.

“Isa lang 'yung kalaban nila, 'yung long hair na nakahiga, isa lang ‘yun. Tapos siguro mga 10 'yung mga bata humahabol. After noon, pinagbabato pa nila 'yung jeep,” sabi ni Cailing.

Agad na nagtakbuhan ang mga bata.

Ayon sa Taguig Police, ngayon lang may nai-report na naganap na ganitong insidente sa lugar.

Bukod sa nililkha nilang gulo, lumabag din umano sa curfew ang mga bata.

“Siguro po ay itong mga bata na to ay mga taga ibang lugar po na napadpad po lang sa lugar po namin,” sabi ni Police Captain Joel Golimlim, PIO ng Taguig Police.

Nahanap na pulisya at tauhan ng Barangay Western Bicutan ang dalawa sa mga batang dawit sa gulo.

Pinatawag sa barangay ang kanilang mga magulang at guardian upang kausapin, at nakatakdang sumailalim ang mga bata sa counseling. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News