Binuksan na sa publiko ang bagong Kamuning footbridge at busway station sa Quezon City, na ginawa sa loob lang ng apat na buwan. Papalit ito sa footbridge na binansagang “Mount Kamuning,” na inakyat din ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing ang bagong footbridge, na malapit sa GMA Network Center, ang magiging kapalit ng “Mount Kamuning” na ininspeksiyon noon ni Marcos, at nakita kung gaano ito kahirap akyatin dahil sa sobrang taas.
Mas mababa na ngayon ang bagong footbridge, at kayang akyatin ng kahit na sinong mayroon umanong “reasonable fitness level.”
Ininspeksiyon din ni Marcos ang bagong footbrige, pero inakyat muna niya ang tuktok ng lumang “Mount Kamuning.” Bumaba ang pangulo at naglakad sa EDSA patungo sa panibagong footbridge na kaniya ring inakyat.
Pagmamalaki ni Marcos, mas maayos na ang lakaran ngayon. Para naman sa mga nahihirapan, mayroon ding elevator at wheelchair lift ang bagong footbridge na sadyang isinama sa disenyo.
Ang footbridge ay naka-integrate o karugtong ng GMA Kamuning MRT Station at ng bagong gawang Kamuning Station ng EDSA Busway.
Ipinagmalaki ng Transportation Department na apat na buwan lamang ginawa ang footbridge, alinsunod na rin sa utos ng Pangulo na madaliin para makapagbigay ng ginhawa sa mga commuter kahit paano.
Sinabi ng DOTr na sa 750,000 commuters kada araw ang gumagamit ng pinagsamang MRT at EDSA Busway.
Dagdag pa ni Marcos, bibigyang prioridad ang maliliit na “conveniences” na madali namang gawin para mapagaan ang commuter experience, na aminado siyang talagang mahirap para sa maraming Pilipino. -- Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
