Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang viral CCTV footage na nahuli-cam ang pagsunog sa isang kotse na may nakitang dalawang bangkay na nasunog din – isang babae at isang lalaki-- sa Peñaranda, Nueva Ecija.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing maririnig sa video ang dalawang putok ng baril habang nasa gilid ng kalsada ang nakaparadang pulang kotse sa Barangay Sinasajan.

Ilang saglit pa, naglakad sa gilid ng kotse ang isang lalaking nakaitim papunta sa likuran nito, at naglakad palayo na tila may kinausap bago umalis.

Makaraan ang ilang sandali, dumating ang isang tricycle na may sakay na dalawang lalaki. Bumaba ang angkas nito na may kinuhang galon at lumapit sa kotse. Binuksan ang sasakyan at mistulang may isinaboy.

Ilang saglit pa, may tila sumabog na sa kotse at umalis na ang dalawang lalaki na sakay ng tricycle. Naiwan naman ang sasakyan na umuusok na.

Isang rider ang huminto sa lugar at humingi ng saklolo sa mga nakatira roon nang makita ang nasusunog na kotse.

Natukoy na ang pagkakakilan ng mga biktima at naiuwi na rin ang mga labi sa kani-kanilang mga kaanak.

Isa sa mga tinitingnang motibo ng mga awtoridad sa krimen ay may kinalaman sa negosyo.

May persons of interest na rin ang mga awtoridad pero tumanggi munang magbigay ng iba pang detalye.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News