Naaresto na ang apat na suspek kaugnay sa natagpuang sunog na dalawang bangkay sa loob ng sunog na kotse sa Peñaranda, Nueva Ecija.
Sa isang pahayag ng Nueva Ecija Police Provincial Office ngayong Huwebes, sinabing nadakip ng mga awtoridad ang mga suspek sa isinagawang hot pursuit operation sa Barangay Siempre Viva Sur sa Mallig, Isabela nitong Miyerkoles.
Nakita nitong Lunes sa Barangay Sinasajan, Peñaranda ang nasusunog na pulang kotse sa gilid ng kalsada.
Natagpuan sa loob nito ang sunog na bangkay ng isang babae at isang lalaki, na kinilala kalaunan na sina Michael Odchigue at Regine Espinosa.
Ayon sa pulisya, natunton ng mga awtoridad ang mga suspek sa isinagawang intelligence operations, backtracking, at pagsusuri sa mga closed-circuit television (CCTV) footage.
BASAHIN: Pagsunog sa kotse na may nakitang 2 bangkay sa Nueva Ecija, nahuli-cam
Pinuri naman ni Nueva Ecija Police director Police Colonel Ritchie Claravall ang mga tauhan sa mabilis nap ag-aresto sa mga suspek, na nasa kustodiya na ng Peñaranda Municipal Police Station.
Sasampahan sila ng reklamong murder.
May kaugnayan sa negosyo ang isa sa mga tinitingnan ng mga awtoridad na motibo sa krimen. — Joviland Rita GMA Integrated News

