Tinalo ni Alexandra “Alex” Eala si Laura Siegemund, 6(6)-7, 6-3, 6-3, sa Round of 64 ng Miami Open nitong madaling araw ng Biyernes (oras sa Pilipinas) sa Hard Rock Stadium sa Miami Gardens, Florida.

Sa panalong ito, umusad si Eala sa Round of 32 ng torneo at sunod na makakaharap si Magda Linette, na pinataob naman si Iga Swiatek, na nakaharap at tinalo ni Eala sa Miami Open noong nakaraang taon.

Matapos mabigo halos isang oras at kalahating unang set, mabilis na nakakuha ng 3-1 abante ang world No. 29 na si Eala sa ikalawang set. Nakabawi naman si Siegemund upang paliitin ang agwat, ngunit agad na nabawi ni Eala ang kontrol at angkinin ang tagumpay sa huling dalawang laro upang itulak ang laban sa deciding third set.

Naging patibayan ng lakas ang ikatlong set at umabante si Eala sa 2-0 bago nakapuntos si Siegemund. Pinalaki pa ng Pinat tennis star ang kaniyang lamang sa 4-1, at nailapit ang tagumpay sa iskor na 5-2.

Bagama’t nakakuha pa ng isang laro si Siegemund, tuluyang tinapos ni Eala ang laban na umabot ng tatlong oras at 20 minuto.

"It definitely was close. Very demanding physically and mentally but that was one of my goals last year after this tournament was to improve physically and here I am, fresh as a flower," sabi ni Eala pagkatapos ng laban.

Sunod na kakaharapin ni Eala si Linette na nanalo naman laban kay Swiatek sa iskor na 1-6, 7-5, 6-3.

Ito ang unang opening loss ng kasalukuyang Wimbledon champion na si Swiatek mula noong 2021 WTA Finals.

Naging markado ang panalo ni Eala laban kay Swiatek sa Miami Open quarter-finals noong nakaraang taon. Pero natalo ang Pinay tennis star kontra kay American Jessica Pegula sa semi-finals.—FRJ GMA Integrated News