Patay na nang matagpuan ng Pasig City Police ang 15-anyos na babae na ilang araw nang nawawala.

Sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabing napaulat na nawawala mula pa noong Marso 18 ang dalagita.

Ayon sa pulisya, natagpuan ang bangkay ng biktima sa isang pabrika ng feeds o pagkain ng mga hayop sa Barangay Santolan dakong 2:00 pm.

Natunton ang kinaroroonan ng dalagita sa tulong ng isinagawang backtracking ng mga awtoridad sa mga kuha ng CCTV camera.

Positibo na rin umanong kinilala ng pamilya ang bangkay ng dalagita, na isasailalim sa awtopsiya para malaman kung ano ang nangyari sa kaniya.

May nakita rin umanong nylon cord malapit sa bangkay ng dalagita na kasamang susuriin.

Idinagdag sa ulat na hindi pa malinaw sa isinasagawang imbestigasyon kung may ibang tao na kasama ang dalagita.

 

 

FRJ GMA Integrated News