Isang barko na may kargang mahigit 700,000 bariles ng krudong langis mula Russia ang dumating sa Pilipinas, ayon sa isang source na may nalalaman sa usapin ang nagsalita sa Agence France-Presse nitong Huwebes. Nangyari ito ilang araw matapos ideklara sa bansa ang national energy emergency dahil sa nangyayaring kaguluhan sa Middle East.
Sinasabing dumating sa bansa nitong Lunes ang barkong Sierra Leone-flagged na Sara Sky na may dalang krudo mula sa ESPO pipeline ng Russia. Batay sa mga dokumento, ang Petron Corp, operator ng nag-iisang oil refinery ng Pilipinas, ang consignee nito, ayon sa source na humiling huwag pangalanan dahil hindi siya awtorisadong magsalita sa media.
Malaki ang pagdepende ng Pilipinas sa inaangkat na fuel, na umabot ang presyo sa historic highs nang magsimula ang digmaan ng US-Israel laban sa Iran, at nauwi sa bahagyang pagsasara ng Strait of Hormuz.
Nakita ng isang mamamahayag ng AFP noong Huwebes ang Sara Sky na nakaangkla sa daungan ng Limay, Bataan, kung nasaan ang refinery ng Petron. Pinaniniwalaang ito ang unang shipment ng langis mula sa Russia patungong Pilipinas sa loob ng limang taon.
Noong nakaraang linggo, sinabi sa AFP ni Ramon Ang, CEO ng Petron, na nakikipag-usap ang kompanya kaugnay posibilidad ng pagbili ng langis mula sa Russia.
Tumanggi naman siyang kumpirmahin ang pagdating ng shipment nang tanungin nitong Huwebes.
Nitong Miyerkules, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, na pinalalawak ng Pilipinas ang paghahanap ng mapagkukunan ng fuel, dahil inaasahang tatagal na lamang ng 45 araw ang natitirang supply nito sa bansa.
"We have not only gone to our...traditional oil suppliers, we have tried to explore other sources that are not affected by the war that is ongoing in the Middle East," saad niya sa press briefing kaugnay sa pagdeklara ng state of emergency.
"Nothing is off the table. We are looking at everything, everything that we can do," dagdag ng pangulo.
Ngayong buwan, niluwagan ng Amerika ang ilang restriksyon sa pagbebenta ng krudong langis mula Russia, na nagpapahintulot sa mga bansa na bumili ng langis na nasa dagat nang hanggang Abril 11.
Ayon sa Kpler analyst na si Muyu Xu, humigit-kumulang 120 milyong bariles ng langis mula Russia ang maaaring nasa dagat noong panahong iyon, at idinagdag na karamihan dito ay maaaring nauna nang inorder ng mga kliyente mula China o India.
Ngayong Huwebes, ini-activate ng Department of Energy ng Pilipinas ang P20 bilyong ($332 milyon) emergency fund na tinawag ni Energy Secretary Sharon Garin, na “proactive step” upang matiyak ang sapat na suplay ng fuel sa bansa.
Nauna nang sinabi ni Garin ngayong linggo na plano rin ng bansa na pataasin ang produksyon ng mga coal-fired power plant upang mapanatiling mababa ang presyo ng kuryente habang naaapektuhan ng digmaan sa Middle East ang suplay ng gas.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng LNG (liquefied natural gas), sinabi ni Garin na pansamantala munang mas aasa ang bansa sa fossil fuel, na pangunahing pinagmumulan ng carbon dioxide emissions na nagdudulot ng pag-init ng klima.
Idinagdag niya na walang inilagay na restriksyon ang pangunahing supplier ng coal na Indonesia sa dami na maaaring bilhin ng Pilipinas kung kinakailangan nitong dagdagan ang importasyon.
Sa isang panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi rin ni Garin na may darating pang langis sa bansa ngayong linggo at sa susunod na linggo.
“Meron tayong one million na ordered. Parating siya actually this week… next week may parating na naman na iba. Pero paikot-ikot naman ‘yan eh. Continuous ‘yung order namin,” anang kalihim.— ulat mula sa Agence France-Presse, at may dagdag na ulat mula kay Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News

