Sinabi ng isang dating kalihim ng Department of Enery (DOE) na dapat maghanda ang mga Pinoy sa matagal na panahong mataas ang presyo ng mga produktong petrolyo kahit pa matapos na ang kaguluhan sa Middle East, at kahit pa magkaroon ng bawas-buwis, at may mga hakbang na gagawin ang gobyerno.
“Fearless forecast: There is no more, huwag na kayong umasang babalik pa ng P61 ‘yan,” sabi ni dating DOE Sec. Jericho Petilla sa panayam ng On Record sa Unang Hirit nitong Martes.
“Ang diesel will be P100 or a little over P100, and then gasoline is a little under P100 kapag nag-normalize na lahat dahil maraming infrastructure na nasira sa ating mga refineries at mga oil extraction sa Middle East,” dagdag niya.
Ayon pa kay Petilla, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay dulot ng mga panlabas na dahilan, kabilang ang geopolitical tensions na wala pang linaw kung kailan huhupa.
“There is no clear end in sight,” patungkol niya kung kailan matatapos ang gulo sa Middle East.
Dahil dito, sinabi ni Petilla na dapat nang mag-adjust ang mga tao sa kanilang pagkonsumo ng krudo at mga gastusin.
“It's a world crisis. Ang pinaka-importante sa lahat is, in any crisis, is to survive. At maraming sakripisyo ang daranasin natin kapag gusto natin mag-survive. But the most important thing is to survive,” dagdag niya.
Habang may mga nakalatag na hakbang ang pamahalaan para maibsan ang epekto ng mahal na krudo, gaya ng pansamantalang pagsuspinde ng ilang buwis o pagbibigay ng target na subsidiya, sinabi ni Petilla na limitado lamang ang maibibigay nitong ginhawa.
Aniya, bagaman makababawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang pagtanggal ng buwis sa langis, kabilang ang excise tax at value-added tax (VAT), magreresulta naman ito malaking pagkawala sa kita ng gobyerno.
Ang pagkabawas sa kita ay posible umanong makaapekto sa mga programa ng pamahalaan at paggastos sa imprastraktura.
“There will be help from the government. Pero hindi kayang saluhin ng gobyerno ang pagbigay ng ayuda at ibalik sa P61. At P3 trillion ‘yan, P3 trillion a year ang gagastusin kung ibabalik natin sa P61 habang bumibili tayo ng mahal,” patuloy ni Petilla.
“And we cannot simply afford that right now. What we can do is curtail the demand. Demand management tayo ngayon,” dagdag niya.— Joviland Rita/FRJ GMA News
