Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Lunes na inalis na niya ang excise tax sa Liquefied Petroleum Gas (LPG) at kerosene para mabawasan ang presyo nito sa gitna ng mataas na halaga ng krudo sa world market bunsod ng kaguluhan sa Middle East.
Nilagdaan ni Marcos nitong nakaraang buwan ang Republic Act No. 12316 bilang batas, na nagbibigay sa kaniya ng emergency powers upang suspendihin o bawasan ang excise tax rate sa mga produktong petrolyo.
''Tinanggal ko na ang excise tax sa LPG at sa kerosene,'' sabi ni Marcos sa mga mamamahayag.
Ayon sa Department of Finance, aabutin ng 15 araw bago maging epektibo ang batas matapos mailathala ang ginawang paglagda ni Marcos.
Sinabi ni Finance Undersecretary Fermin Adriano na maaaring maglabas ang Pangulo ng Executive Order (EO) kaugnay ng excise tax sa Abril 12 o Abril 13 sa pinakamaagang panahon.
“The President may, upon the recommendation of the Development Budget Coordination Committee (DBCC), in coordination with the Secretary of Energy, suspend the imposition of or reduce the excise taxes on fuel under this Section when the average Dubai crude oil price based on Mean of Platts Singapore (MOPS) reaches or exceeds Eighty US dollars (USD 80) per barrel for one (1) month immediately preceeding the issuance of the suspension or reduction order,” nakasaad sa RA No. 12316.
Itinatadhana rin sa bagong batas na ang anumang suspensyon o pagbabawas ng excise tax sa mga produktong petrolyo ay magiging epektibo sa loob ng panahong hindi lalampas ng tatlong buwan.
“Provided, the power of the President to temporarily suspend or reduce the excise tax on petroleum products granted under this Section shall be exercised only until December 31, 2028,” saad sa batas.
Awtomatikong babalik sa orihinal na antas ang excise tax rates nang hindi na kailangan ng karagdagang aksyon mula sa ehekutibo o lehislatura kapag naganap ang alinman sa mga sumusunod:
- Isang linggo matapos bumaba sa USD 80 kada bariles ang isang buwang average na presyo ng Dubai crude oil batay sa MOPS, ayon sa sertipikasyon ng Department of Energy (DOE); o
- Matapos ang tatlong buwan ng implementasyon.
Sa loob ng 15 araw mula sa paglabas ng kautusan ng suspensyon, at buwan-buwan pagkatapos nito, kinakailangang magsumite ang Pangulo, sa pamamagitan ng DBCC at sa pakikipag-ugnayan sa DOE, ng ulat sa Kongreso na naglalaman ng batayang katotohanan at layunin ng polisiya para sa suspensyon o pagbabawas; tinatayang nawawalang kita; at inaasahang epekto nito sa inflation at presyo ng fuel, kasama ang cost-benefit analysis.
“The report shall include a recommendation on whether the suspension or reduction of excise taxes should be maintained, modified, or lifted, and shall form part of the basis for any continued suspension or reduction,” ayon sa batas.– Anna Felicia Bajo/FRJ GMA News
