Isang motorcycle rider ang nasawi, habang isa pa ang sugatan matapos silang magkabanggaan sa Barangay 175 sa Caloocan City nitong Linggo.

Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali ngayong Lunes, sinabi ng rumespondeng rescue unit na inabutan nila ang isang rider na nakaupo, habang nakahandusay naman sa kalsada ang isa pa.

Isinugod sa ospital ang dalawa pero hindi na umabot nang buhay ang 29-anyos na rider. Patuloy namang nagpapagaling ang 36-anyos na rider na nagtamo ng mga sugat sa mukha at katawan.

Ayon sa awtoridad, lumabas sa paunang imbestigasyon na ang nasawing rider ang napunta sa kabilang linya ng kalsada na dahilan ng kanilang banggaan ng isa pang rider.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente at nakipag-ugnayan na sila sa mga kaanak ng mga biktima. – FRJ GMA News