Pasok na sa finals ng “Britain’s Got Talent” Season 19, ang Pinoy singer na si Matty Juniosa matapos siyang makatanggap ang ikalawang Golden Buzzer sa semi-finals ng kompetisyon.

Ibinahagi ni Matty, na nakabase na ngayon sa UK, ang isa niyang larawan sa Instagram Stories, na makikita ang pagiging emosyonal niya habang unti-unting nagsi-sink in na nakaabot na siya sa grand finals.

“Everything’s just sinking in as soon as I woke up,” saad ni Matty.

“Thank you, Lord, Universe, Amanda [Holden], Simon [Cowell], the whole BGT team, and every single one of you who showed me so much love!” dagdag niya.

Nakakuha ng puwesto sa finals ni Matty matapos siyang makatanggap ng Golden Buzzer na mula kay Amanda dahil sa kaniyang pag-awit ng “Dream On” ng Aerosmith.

Noong Marso, nakatanggap din si Matty ng Golden Buzzer mula kay Simon, na nagdala sa kaniya sa semi-finals.

Gaganapin ang live grand finals ng “Britain’s Got Talent” sa May 30.— Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News