Bukod kay Alyssa Alano, may isa pa umanong mag-aaral ng University of the Philippines (UP) ang nasawi sa sinabing engkuwentro ng militar at mga rebeldeng New People’s Army sa Toboso, Negros Occidental.

Sa isang pahayag noong Sabado, kinilala ng University of the Philippines Open University (UPOU) na isa sa kanilang mga estudyante na nasawi sa umano’y engkuwentro na si Maureen Keil Santuyo, isang Associate of Arts student.

Inilarawan ng UPOU si Santuyo na isang “compassionate youth advocate” na aktibong nakikibahagi sa pagsuporta sa marginalized agrarian communities.

“The University also expresses concerns over circumstances surrounding the military encounter. We call for a transparent and thorough investigation, with full accountability if human rights violations are established,” saad ng UPOU.

“We urge sobriety in public discourse, especially in instances that promote the spread of unverified accusations and the labeling of members of the academic community without evidence,” dagdag nito.

Unang inihayag ng Philippine Army noong Abril 20, na 19 na hinihinalang kasapi ng NPA ang nasawi nang makasagupa ng kanilang puwersa sa Barangay Salamanca noong Abril 19.

Gayunman, pinabulaanan ng Apolinario Gatmaitan Command ng NPA ang ulat ng militar, at sinabing kakaunti lamang sa mga napatay na armado nilang kasamahan, at sibilyan ang ilan sa pinaslang.

Kabilang umano sa mga sibilyang nasawi sa operasyong militar ang magsasakang si Roel Sabillo, at ang mamamahayag na nakabase sa Bacolod na si RJ Ledesma, ayon sa rebeldeng grupo.

Samantala, sinabi rin ng UP Diliman University Student Council (USC) na kabilang sa mga nasawi sa insidente ang student leader na si Alyssa Alano.

Ayon naman sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), dalawa ring US citizens ang nasawi sa naturang operasyon.

Nauna nang sinabi ni Philippine Army spokesperson Colonel Louie Dema-ala, na kumilos ang mga sundalo mula sa 79th Infantry Battalion (79IB) nang propesyonal at alinsunod sa International Humanitarian Law. — Joviland Rita/FRJ GMA News