Sugatan ang isang lalaki matapos siyang hablutan ng kuwintas at barilin ng isang nagpanggap na customer sa kaniyang sari-sari store sa Bacoor, Cavite.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GTV News Balitanghali nitong Martes, mapanonood ang CCTV footage ang suspek na rider na nakasuot ng helmet at bumili ng tubig sa tindahan ng biktima sa Barangay Molino 3.
Nang iabot na ng biktimang tindero ang binili ng rider, agad na hinablot ng suspek ang kuwintas niya.
Sinubukang bawiin ng biktima ang kaniyang kuwintas at doon na bumunot ng baril ang suspek at tinutukan siya.
Hindi pa rin nagpatinag ang tindero, na sinugod at sinipa ang motorsiklo ng suspek para matumba. Pero doon na siya binaril ng rider.
Dumating ang dalawa pang kasama ng biktima ngunit nakatakas na ang suspek.
“Nakita namin na may mga basyo ng bala doon sa tapat ng tindahan. ‘Yun nga daw, hinablot ang kuwintas nu’ng lalaki. Tapos, lumaban 'yung hinablutan ng kuwintas. Lumabas siya, tinadyakan niya 'yung motor, binaril na siya sa hita, tapos tatlong putok eh. Meron ditong tama sa tiyan,” sabi ni Reynaldo Gonzaga, Barangay Tanod ng Molino 3.
Dinala ang biktima sa ospital ng mga rumespondeng tanod.
Batay sa huli nilang impormasyon mula sa kamag-anak ng biktima, stable na ang kaniyang kondisyon.
Lumabas sa monitoring ng barangay na hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari ang pagnanakaw. Noong Pebrero, nagkaroon din ng insidente ng holdap at kuwintas din ang pinunterya ng salarin.
Napansin ng mga taga-homeowners association na pareho ang helmet ng rider na suspek sa panghoholdap noong Pebrero, sa suspek sa panghahablot ng kuwintas nitong Lunes.
“Nakahelmet siya eh. Pero suspect siya po namin kasi pangalawa na itong nangyaring ganito ang sitwasyon na may hold-up, kwintas din 'yung kinuha. So siya pa rin 'yung suspect namin kasi pareho ng helmet at saka 'yung motor. Dito din, sa kabilang street, mga February,” sabi ni Gonzaga.
Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng pulisya ng Bacoor, Cavite, na tumanggi munang magbigay ng anumang detalye.
Hindi rin muna nagbigay ng pahayag ang kaanak ng biktima.—Jamil Santos/FRJ GMA News
