Naglabas si dating AnaKalusugan party-list Representative Mike Defensor ng umano’y audio recording ng “surprise witness” na si Orly Guteza, na nagsasabing pinilit umano siyang magbigay ng pahayag na hindi siya nagdala ng pera na tinawag niya noon na “basura” kay dating Speaker at kasalukuyang Leyte Representative na si Martin Romualdez.

Sa Pandesal news forum nitong Miyerkoles, ipinadinig ni Defensor ang sinasabing audio clip ni Guteza habang kausap ang kaniyang asawa tungkol sa nasabing usapin noong nakaraang taon nang magbigay siya ng testimonya sa isang pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa Senado.

Ang asawa umano ni Guteza ang nag-record sa kanilang pag-uusap via cellphone.

Ayon kay Defensor, sinabi ni Guteza sa kaniyang asawa na pinipilit siyang magsalita sa bagong affidavit na nagsasabing hindi siya nagdala ng pera sa dating Speaker.

Hindi naman maberipika ng GMA News Online ang pagiging tunay ng audio clip na inilabas ni Defensor.

Ipinakita rin ni Defensor ang kopya ng reklamo umano ng Ombudsman laban kay Romualdez na ihahain sa Sandiganbayan kaugnay ng flood control controversy.

Tumutukoy umano sa naturang affidavit ni Guteza ang reklamo na hindi pa naihahain sa Ombudsman.

"Binigyang diin at sinabing tama at ginamit ang affidavit ni Sergeant Guteza, andito po. Sinasabi nila (Ombudsman) 'yung sinabi ni Guteza na nag-deliver ng 46 luggages, dineliver sa bahay ni Speaker Martin Romualdez, kasama sa affidavit," ayon kay Defensor.

Dagdag pa ni Defensor, nakasaad sa reklamo ng Ombudsman na walang personal na interes ang mga taong nagsasabing naghatid sila ng malalaking halaga ng pera kay Romualdez.

Tinutukoy niya si Guteza at hindi bababa sa dalawang miyembro ng umano’y 18 dating Marines, na nagsabing may ilang indibidwal na tumanggap ng pera mula kay dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co, na idinadawit din sa flood control scandal.

"Ang mga taong ito, katulad ng sinasabi namin dati, walang personal na interes. They have no interest. In fact they are subjecting themselves to personal danger," ayon kay Defensor.

Nanawagan si Defensor kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla na bigyan si Guteza ng protective custody.

"Bilang panawagan na rin muli sa ating gobyerno, partikular kay Ombudsman Boying Remulla, na ginamit na niya 'yung affidavit ni Sergeant Guteza. Nananawagan ako na tulungan na," ani Defensor.

"Pero ngayon naman na ginamit na ng gobyerno 'yung kaniyang affidavit. Sana naman, again apela kay Ombudsman Remulla, bigyan ng protective custody. Hanapin at bigyan ng pagtatanggol, seguridad si Sergeant Guteza at ang kaniyang pamilya," dagdag niya.

Nakipag-ugnayan ang GMA News Online kay Remulla para sa komento ngunit wala pa itong tugon hanggang sa oras ng paglalathala nito.

September 25 nang humarap si Guteza—inilarawan na surprise witness-- sa Blue ribbon committee na si Senador Rodante Marcoleta pa noon ang chairman.

Pero hindi na muling nakita pa si Guteza matapos noon, at pumalit si Senate President Pro Tempore Panfilo "Ping" Lacson, bilang pinuno ng komite.

Matapos ang pagharap sa komite ni Guteza, tinawag ni Romualdez na kasinungalingan ang mga sinabi ng dating sundalo.

"I was deeply surprised to hear the allegation raised against me today before the Senate Blue Ribbon Committee— that several pieces of luggage supposedly containing money were ever delivered to a residence associated with me," pahayag ni Romualdez bilang reaksyon sa testimonya noon ni Guteza.

"The so-called testimony of Senator (Rodante) Marcoleta’s witness is an outright and complete fabrication—nothing more than a desperate attempt to link me to supposed kickbacks where none exist. Pilit na pilit," dagdag ng dating Speaker, na pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon pa kay Romualdez, imposible ang sinasabi ni Guteza na naghatid ito ng pera sa kaniyang bahay sa McKinley sa Makati City simula noong December 2024.

"That's impossible. That property has been under renovation since January 2024 and was unoccupied except for construction workers. Falsus in uno, falsus in omnibus —false in one thing, false in everything," sabi ni Romualdez.

"This is clearly political and the product of coaching. I will not allow these perjurious statements to pass unchallenged. Hindi ko ito palalampasin," sabi pa niya. — Jamil Santos/FRJ GMA News