Inamin ni Rio Locsin na nasorpresa siya nang makita niya sa set ng upcoming Kapuso action series na 'The Master Cutter' ang dati niyang mister na si Al Tantay.
Sa pagbisita niya sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, ibinahagi ni Rio ang nangyari nang magkita sila ng actor-director na si Al, na dati niyang asawa.
“Nagkita nga kami sa taping ng ‘Master Cutter. Nagulat lang ako kasi hindi naman nila nasabi," saad ni Rio.
"Of course bumati naman [kami sa isa't isa],” dagdag ng veteran actress.
Nagpakasal ang dalawa noong kabataan nila at kasagsagan ng kasikatan. Pero pagkaraan ng ilang taon, naghiwalay sila.
Sa kabila ng kanilang paghihiwalay, naging maayos naman ang pakikitungo nila sa isa’t isa.
“Hindi kami nag-uusap na nagtatawagan, nagte-text. Pero when we see each other, nagbabatian,” kuwento ni Rio.
Ayon pa sa aktres, hindi sila naging co-parent ni Al sa pagpapalaki sa kanilang mga anak. Pero hindi naman daw naging pabaya ang aktor.
"Ibig sabihin, ‘pag mga special occasion, nakikita niya, nilalabas niya,” ani Rio.
Kasal si Rio sa basketball player na si Padim Israel, at mayroong tatlong anak.
Kasama ni Rio sa "The Master Cutter," sina Dingdong Dantes, Max Collins, Shuvee Etrata, Sienna Stevens, Jo Berry, Polo Ravales, at Ketchup Eusebio, at marami pang iba.
Mapapanood ito sa GMA Prime simula sa May 11, 2026. At unang masisilayan sa Netflix sa May 8. — Nika Roque/FRJ GMA News
