Makaraan ang 10 taon, nagbabalik ang dating sikat sa social media platform na Friendster at available na sa app ng mga Apple (iOS) user.
Sa kaniyang pagbabalik ngayong 2026, sinasabing simple ang layunin ng Friendster na mapanatiling konektado ang mga magkakaibigan at tunay na magkakakilala.
Tampok umano sa platform na ito ang mga sumusunod:
Friends only: Walang “suggested strangers” sa inyong feed. Maaari kang magdagdag ng kaibigan sa paraang katulad ng infrared—paglapitin lamang ang inyong mga telepono habang parehong bukas ang Friendster app.
Walang ads walang algorithm: Ayon sa Friendster wala itong mga ads o manipulasyon ng feed na pinapatakbo ng algorithm.
Walang spam: Walang mga bot na nagbebenta ng produkto, at wala ring mga spam na direktang mensahe mula sa mga random na account.
Privacy-focused: Ayon pa sa Friendster, hindi nito ibinebenta ang datos ng mga gumagamit.
Inilunsad noong 2003 ang Friendster, isa sa mga unang social networking website, bago pa sumikat ang MySpace at Facebook. Opisyal itong tumigil sa operasyon noong 2015. — Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News

_2026_04_30_08_44_41.jpg)