Dalawa ang nasawi sa nangyaring pananambang sa kanto ng Timog at EDSA sa Quezon City noong Abril 28, 2026. Ang isa sa mga biktima, nakilalang ang 75-anyos na negosyanteng si Ceferino “Perry” Mariano.

Matapos mapaulat ang pagkasawi ni Mariano, nagluksa ang Philippine sports community—partikular sa billiard.

BASAHIN: 2 sakay sa kotse, patay matapos pagbabarilin sa Timog, Quezon City

Napag-alaman na kinikilala si Mariano na tagasuporta ng Philippine billiard, at kabilang sa mga natulungan niya ay ang mga top player sa naturang sports na sina Carlo Biado, Johann Chua, at Dennis Orcollo.

“To many, he was a pillar of Philippine billiards. To me, he was simply Dad,” saad ng anak ni Perry na si Hadley Mariano, sa isang social media post noong Miyerkules.

Si Hadley ang founder ng Sharks Billiards Association.

“He gave his whole life to the game and to the people in it. For generations, he stood behind the players—creating opportunities, opening doors, and helping shape the path of so many Pinoy bilyaristas. The game we know today carries so much of him,” dagdag niya. “This loss cuts so deep, but I know it is shared by the community he cared for and helped build.”

Nagpaabot din ng kanilang pagdadalamhati ang mga bilyarista sa nangyari kay Perry.

“Isa ka sa dahilan kung nasan ako ngayon. Humubog sa’kin. Maraming salamat sa lahat, boss, sa paniniwala sa kakayahan ko nung nagsisimula pa lang ako. Hinding-hindi kita makakalimutan, boss,” ayon sa world champion na si Biado sa isang post. “Sobrang sakit, pero tanging dasal na lang ang maiaalay ko para sa katarungan!”

Kinilala rin ni Southeast Asian Games gold medalist at World Cup of Pool champion Johann Chua ang malaking ambag ni Perry sa kaniyang career.

“Malaking parte ng karera ko sa paglalaro ng bilyar ay mula sa’yo—from trainings, money games, at mga tournament ko dati nung bata pa ako. Ikaw rin ang unang naniwala sa akin na kaya kong manalo sa international tournament. Noong 2008, pinabyahe mo ako sa Indonesia kahit 16 years old pa lang ako dahil naniwala ka sa kakayahan ko,” sabi ni Chua. “Maraming salamat sa lahat, Boss Perry. Hanggang sa muli!”

Inilarawan naman ni Asian Games at Southeast Asian Games gold medalist Dennis Orcollo, si Perry na parang ama.

“Boss, mahal na mahal kita. Ikaw ang tumayong tatay ko. Ikaw ang humubog at naniwala sa kakayahan ko. Hindi ko kaya, boss. Sobrang bait mo sa akin. Ikaw ang nagbigay sa akin ng tahanan sa Maynila. Hindi kita makakalimutan. Bawat uwi ko sa Pilipinas, palagi tayong nagkikita. Mahal na mahal kita, boss,” ani Orcollo.

Maliban sa larangan ng bilyar, kilala rin si Perry na isang negosyante na nagmamay-ari ng ilang night clubs sa Quezon City.— FRJ GMA News