Patay sa pamamaril ng riding-in-tandem ang isang Indian national habang nakasakay sa kaniyang motorsiklo sa Caloocan City. Hinihinala ng pulisya na may kinalaman ang krimen sa negosyong pagpapautang ng biktima.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen kaninang umaga sa Kabatuhan Road Deparo sa Caloocan.

Nakasakay sa motorsiklo ang biktima nang pagbabarilin siya nang malapitan ng riding in tandem na nakasunod sa kaniya.

Ayon sa pulisya at asawa ng biktima, posibleng may kinalaman sa negosyong pagpapautang ang motibo sa krimen.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, walang indikasyon na may balak pagnakawan ng mga salarin ang biktima.

Ayon sa asawa ng biktima, nababanggit sa kaniya ng kaniyang mister ang tungkol sa koleksyon o paniningil sa utang na matumal at kung minsan ay tinatakbuhan pa siya.

“Minsan hindi maiwasan na makapagbitaw siya ng hindi magandang salita parang inabangan siya na ganun araw, ganung oras,” pahayag ng ginang.

Limang basyo ng bala mula sa kalibre 45 na baril at tatlong deformed slug ang nakuha sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at pagsusuri sa mga CCTV camera sa lugar upang matukoy at mahuli ang mga salarin. – FRJ GMA News