Inilahad ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa nitong Martes na gagawin nila ang lahat ng paraan para pigilan ang kaniyang pagkaka-aresto at harapin ang kasong isinampa laban sa kaniya sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga pagpatay sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.
"We will exhaust all available means, legal means kailangang gawin natin lahat para hindi nila tayo madala doon sa The Hague," sabi ni Dela Rosa sa panayam sa kaniya sa Super Radyo dzBB.
"Sino bang Pilipino na gustong litisin sa ibang bansa?" dagdag pa niya.
Ayon sa kaniya, naghain ang kaniyang kampo ng bagong manipestasyon sa Korte Suprema para sa kaniyang agarang judicial protection, at hihintayin niya ang desisyon.
Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ng The Law Firm of Torreon and Partners na naghain sila ng isang agarang manipestasyon na may omnibus motion para sa gabay sa legal na epekto ng warrant of arrest mula sa ICC.
"As usual, a-attend ako ng session and wait for the ruling of the Supreme Court sa mga petition na pinadala namin du’n," sabi ni Dela Rosa.
Dagdag pa niya, kung sakaling maglabas ng arrest warrant ang mababang korte laban sa kaniya, iaapela ito ng kaniyang kampo sa SC.
"I hope and pray ang proseso naman ay hindi lang sa lower court nag-a-appeal, puwedeng umakyat sa taas kaya inunahan na namin sa SC. Hintayin natin ang desisyon ng SC," sabi ni Dela Rosa.
Ayon pa sa kaniya, mananatili siya sa Senado.
"Dito lang ako, hindi ako aalis," sabi pa niya.
Sinabi ni Dela Rosa na nanatili siya sa opisina ni Senador Jinggoy Estrada.
"Mas maganda ang kuwarto niya, mas maraming pagkain," ani Dela Rosa, ngunit binanggit niyang hindi siya masyadong makakain o makatulog.
"Dalawang subo lang, parang hangin ang laman ng tiyan ko. 'Yung utak mo gumagana kahit na natutulog," dagdag pa niya.
Nang tanungin kung saan siya nagtago, tugon ng senador: "Anywhere in the Philippines. Luzon, Visayas, Mindanao. Basta I didn't leave the Philippines. Mahal ko ang Pilipinas. I will live and die in this country."
Sinabi rin ni Dela Rosa na hindi niya kinuha lahat ng kaniyang suweldo habang nagtatago.
"Nahihiya na ako sa taumbayan na naghahanap sa akin kahit na hindi ko kini-claim ang suweldo ko. I have to show up. Na-claim ng staff ko pero hindi ko nakuha. Sabi ko sa staff ko gamitin n'yo diyan sa kawanggawa para umabot sa taumbayan ang pera na 'yan," dagdag niya.
Hindi na nakikita si Dela Rosa sa Senado simula noong Nobyembre 11, 2025, matapos ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nag-isyu ang ICC ng warrant of arrest laban sa kaniya.
Dumalo si Dela Rosa nitong Lunes sa sesyon ng Senado, kung saan kabilang siya sa 13 bumoto para patalsikin si Senador Vicente Sotto III bilang pangulo ng Senado at iluklok si Alan Peter Cayetano sa kaniyang pwesto.
Napaulat na sinubukan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na ihain ang warrant of arrest laban kay Dela Rosa sa loob ng Senado, at hinabol pa siya habang patungo siya sa session hall.
Samantala, ipinakita ng dating senador na si Antonio Trillanes IV sa media ang kopya ng warrant of arrest ng ICC laban kay Dela Rosa.
Kinumpirma ng ICC na nag-isyu ang tribunal ng warrant of arrest para kay Dela Rosa, na nagsilbing hepe ng PNP noong panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Trillanes na naipadala na sa Philippine Center on Transnational Crime ang kopya ng warrant of arrest ng ICC.
Matapos nito, inilagay si Dela Rosa sa ilalim ng protective custody ng Senado. Sinabi rin ni Cayetano na hindi aarestuhin si Dela Rosa sa loob ng Senado.
Ito ang mga sumunod na pangyayari matapos makipagkita si Cayetano kay NBI Director Melvin Matibag para talakayin ang contempt order ng Senado laban sa ilang ahente ng NBI na pumasok sa loob ng Senado upang ihain ang ICC arrest warrant kay dela Rosa. — Jamil Santos/VBL GMA News

