Nasawi ang isang mag-ama matapos silang pagsasaksakin sa dibdib habang natutulog ng kanilang kapitbahay sa Naga, Cebu. Ang motibo sa krimen, nakaaway ng suspek ang isa pang anak ng amang biktima at sila ang napagbalingan ng galit nito.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa GMA News Saksi nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen sa bahay ng mga biktima sa Barangay Inayagan, nitong Linggo ng madaling araw.

Nagtamo rin ng mga sugat ang ginang ng tahanan matapos niyang labanan ang 27-anyos na suspek, nang makita ang ginawang pananaksak sa kaniyang mag-ama.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na kainuman ng suspek ang isa pang anak ng biktima bago maganap ang krimen.

Pero nag-away ang dalawa dahil sa kalasingan at sinuntok ng anak ang suspek. Hindi nakaganti ang suspek kaya ang natutulog na mga biktima ang pinuntahan niya sa bahay at pinagbalingan ng galit.

Tumakas ang suspek pero naaresto rin siya sa kalaunan at narekober ang patalim na pinaniniwalaang ginamit niya sa krimen.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na mahaharap sa reklamong two counts of murder at frustrated murder. – FRJ GMA News