Patay ang isang lalaki na suspek sa pamamaril sa Barangay Lourdes sa San Fernando, Pampanga matapos makaengkuwentro ang mga pulis na tumugis sa kaniya.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon, inihayag ng pulisya naglilinis ng kanal ang biktima sa labas ng bahay nang pagbabarilin ng suspek.
Tumakas ang salarin pero natunton kinalaunan ng mga awtoridad ang kaniyang kinaroroonan at nagkaroon ng ilang oras na habulan.
Doon na umano pinaputukan ng suspek ang mga humahabol na pulis. Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad na ikinamatay nito.
Wala pang pahayag ang mga kaanak ng suspek, ayon sa ulat.
Nasa ospital naman ang sugatang biktima ng pamamaril ng suspek. – FRJ GMA News
