Sa muling pagbisita ni AJ Raval sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, tinanong ang aktres kung bukas ba siyang tumanggap pa rin ng sexy projects at pumayag kaya ang partner niyang si Aljur Abrenica? Alamin.

Ayon kay AJ, matapos ang unang guesting niya noon sa programa ng King of Talk kung saan inamin niya na mayroon na siyang limang anak, may mga nag-alok pa umano sa kaniya ng mga proyekto.

Pero tinanggihan na umano niya ang mga proyekto dahil mga “sexy.”

“Siyempre may mga anak na din po ako, ilan na po sila. Ayoko na pong gumawa ng ganun,” saad ni AJ.

Tinanong din ni Tito Boy kung ano ang sasabihin ni Aljur kapag nakatanggap siya ng mga sexy project.

“Si Aljur po susuporta lang po ‘yan kung ano ang gusto ko. Pero as a partner, rerespetuhin ko si Aljur na magdedesisyon ako na kung ano ang hindi ko dapat gawin,” paliwanag ni AJ.

Wala namang problema kay AJ kung si Aljur naman ang tatanggap ng mga sexy project.

Inihayag din ni AJ na may “pagsisisi” siya sa paggawa niya noon ng sexy projects bilang sagot pa rin sa tanong ni Tito Boy. Gayunman, wala na raw siyang magagawa dahil nakaraan na ito.

“Ang maganda po roon, marami akong natutunan. Nagawa ko na po ito, hindi na siya gagawin ng mga anak ko,” dagdag niya.

Tungkol sa kaniyang career, sinabi ni AJ na gusto niyang subukan ang ibang genre ng acting, gaya ng drama dahil nakita niyang kaya niyang umiyak sa kaniyang guesting sa isang episode ng “Magpakailanman.”

Gaganap si AJ sa isang episode ng “Magpakailanman” na isang batang ina. – FRJ GMA News