Matapos magpasyang maging “indepedyente” sa botohan ng bagong Senate President noong nakaraang linggo na nagluklok kay Alan Peter Cayetano, inihayag ngayong Lunes sina Senador JV Ejercito at Juan Miguel Zubiri, na nais nilang makasama sa grupo ng minorya na pinamumunuan na ngayon ni Tito Sotto. Dahil dito, 11 na ang kaalyado ni Sotto, habang 12 naman kay Cayetano, kung hindi na naman magpapakita sa sesyon si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa.

Sa sesyon ng kapulungan nitong Lunes, inihayag ni Ejercito ang pasasalamat sa tiwala sa kaniya ni Cayetano matapos siyang alukin na maging bagong Senate Majority Leader, nang piliin niyang maging independent sa botohan.

Pero tinanggihan niya ang naturang alok ni Cayetano na magtutulak sana sa kaniya maging bahagi ng mayorya at magiging ika-14 sana nilang kagrupo.

“I thank Mr. [Senate] President for the trust and confidence. I was offered to become Majority Leader, but as of this time, I would rather remain independent,” pahayag ni Ejercito bago buuin ng kapulungan ang Senate impeachment court na lilitis sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

“Thank you for the trust. Being a Majority Leader is one of the most powerful positions in the Senate,” ani Ejercito.

Sa kudeta noong nakaraang linggo sa Senado na dinaluhan ng kontrobersiyal na si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, 13 senador ang bumoto para ipalit si Cayetano kay Sotto bilang Senate President.

Nakakuha lamang si Sotto ng 9 na boto ng mga senador, habang walang pinanigan sina Ejercito at Zubiri, na naging indepedyante.

Sa sesyon nitong Lunes, inihayag din ni Zubiri na lilinya siya sa grupo ng minorya na si Sotto na ngayon ang pinuno.

Si Sen. Joel Villanueva ang nagsisilbing acting majority leader ng kapulungan.

Samantala, umalis naman sa protective custody ng Senado si Dela Rosa, matapos ang kaguluhan noong Miyekoles ng gabi sa kapulungan at nagkaroon ng putukan ng baril.

Nais ng National Bureau of Investigation na arestuhin si Dela Rosa sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC), dahil umano sa partisipasyon niya sa madugong war on drugs ng dating administrasyong Duterte.

Sa kabila ng panibagong ingay na muling magkakaroon ng pagpapalit sa liderato ng Senado, natuloy naman ang pagbuo ng kapulungan bilang impeachment court sa ilalim ng liderato ni Cayetano, upang litisin si Vice President Sara Duterte. -- Llanesca T. Panti/FRJ GMA News