Patay ang isang 65-anyos na tiyuhin, habang sugatan naman ang kaniyang pamangkin na isang retiradong pulis, matapos mauwi sa barilan ang kanilang matagal nang alitan sa Padre Garcia, Batangas.

Sa isang press briefing nitong Lunes, tinukoy ni Padre Garcia Police acting chief Police Major Frank Davis Tuddao, ang nasawi bilang si “Ruben,” isang jeepney driver. Habang sugatan ang 55-anyos na pamangkin na si “Emil,” na retiradong pulis.

Ang asawa ni Ruben ang talagang kamag-anak at tiyahin ni Emil.

Batay sa CCTV footage na kuha noong Mayo 15, makikitang nasa loob si Emil ng kanilang compound nang puntahan siya ni Ruben at pagbabarilin.

Bumunot naman ng kaniyang baril si Emil at gumanti ng putok at tinamaan si Ruben.

“Makikita po natin na una pong bumunot ng baril yung suspek, meron pong sufficient provocation po on the part of the suspect po natin. And yun po, lumaban na rin po yung ating victim to defend himself,” ayon kay Tuddao.

Kaagad umanong binawian ng buhay si Ruben, habang patuloy na inoobserbahan sa ospital si Emil.

Nakuha ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre .45 na baril ng tiyuhin, habang kalibre .40 naman ang baril ng retiradong pulis.

Ayon sa pulisya, anim na putok ang nagawa ni Ruben, habang 12 putok naman ang nagawa ni Emil.

Batay sa imbestigasyon, may mga dokumento ang baril ng retiradong pulis, habang patuloy pang bineberipika ang rehistro at lisensya ng baril ng kaniyang tiyuhin.

Lumabas sa paunang imbestigasyon na matagal nang may alitan ang dalawa at madalas umanong nagtatalo simula pa noong 2018.

Sinabi rin ng pulisya na posibleng parehong nakainom ng alak ang dalawang lalaki nang mangyari ang insidente.

Hinihintay pa sa ngayon kung may pormal na reklamong ihahain sa nangyaring insidente dahil nakatuon pa umano ang atensyon ng dalawang pamilya sa burol ng nasawi at sa pagpapagamot ng sugatang retiradong pulis. — Joviland Rita/FRJ GMA News