Umakyat na sa walo ang bilang ng mga kumpirmadong nasawi sa gumuhong gusali sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga makaraang makarekober ang dalawang bangkay ngayong Linggo, May 31, 2026.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Super Radio dzBB, sinabing batay sa impormasyon mula sa Bureau of Fire Protection Region 3, ngayong hapon nakita ang ikawalong bangkay ng biktima.

Isa pang bangkay ang nakita naman mula sa mga guho nitong Linggo ng umaga.

Sa impormasyon naman mula sa Angeles City Information Office na ibinigay kay Angeles City Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II, sinabing dakong 7:50 am nang matagpuan ng search and retrieval team ang labi ng ika-pitong biktima na isang lalaki.

Nilagyan ng kaukulang tag ang labi at isinailalim sa dokumentasyon ng City Health Office bilang bahagi ng Disaster Victim Identification (DVI) protocol upang matiyak ang wastong pagkakakilanlan ng biktima.

Isang vaccination card na may nakasulat na pangalan ang natagpuan umano na maaaring makatulong sa pagkakalinlan sa biktima.

Sinabi ng alkalde na dadaan muna ang mga labi sa masusing proseso ng beripikasyon, at maglalabas lamang ng opisyal na anunsyo kapag natapos na ang proseso ng DVI.

Samantala, sinabi ng mga awtoridad na magpapatuloy ang search and rescue, retrieval, at clearing operations ng Unified Command sa gumuho na siyam na palapag na gusali, isang linggo matapos ang insidente.

Mahigit sa 10 biktima pa ang pinaniniwalaang nasa ilalim ng mga guho.

Sinabi rin ng pamahalaang lungsod na magpapatuloy ito sa pagbibigay ng tulong at suporta sa mga pamilyang naapektuhan ng trahedya.

Noong Sabado, sinabi ng isa sa mga abogado na handang tumulong ang may-ari ng gusali sa mga biktima at nais nitong magsagawa ng isang independiyenteng imbestigasyon kaugnay ng insidente. – FRJ GMA News