Nanggulat si Alexandra “Alex” Eala sa Berlin Tennis Open matapos talunin sa Round of 16 ang world No. 2 na si Elena Rybakina sa iskor na 7-5, 6-4 nitong Huwebes. Sunod niyang makakaharap ang world No. 8 na taga-Ukraine.

Sa unang set, nabaon muna si Eala sa iskor na 4-1 na pabor kay Rybakina. Pero nakuha ng Pinay tennis star ang tatlong sumunod na laro para maitabla ang laban.

Nakuha naman ni Rybakina ang isa pang laro upang lumapit para makuha na sana ang set. Ngunit tumugon si Eala sa pamamagitan ng sunod-sunod na panalo sa laro upang maibulsa ang unang set.

Sa ikalawang set, si Eala naman ang maagang nakakuha ng kalamangan sa iskor na 3-1. Natapyasan ito ni Rybakina ng isa pero muling nagpakita ng angas si Eala at umabante sa iskor na 5-3.

Nagawa naman ni Rybakina na mapagpanalo ng isang laro bagong tuluyang isinara ni Eala ang laban.

"I was shaking in the match point too," saad ni Eala, na labis ang kasiyahan sa nakamit na tagumpay.

"But no, I'm really happy with today, of course. It could have gone either way. I think there were really tight moments in both sets. And of course, she's an amazing player. And yeah, she's the one to beat. So I'm happy to have been able to share the court with her again," patuloy niya.

Si Rybakina ang kasalukuyang Australian Open champion at nanalo sa Wimbledon noong 2022.

Dahil sa tagumpay, umusad ang world No. 35 na si Eala sa quarterfinals at makakaharap ang world No. 8 na taga-Ukraine na si Elina Svitolina.

ALAMIN: Who is World No. 8 Elina Svitolina?FRJ GMA News