Humarap ang dating head coach ng men’s basketball team ng Ateneo de Manila University na si Tab Baldwin nitong Biyernes sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Kaugnay ito ng imbestigasyon ng pulisya sa pagkamatay ng mga student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili, na nalunod habang isinasagawa ang isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Lunes, Hunyo 8.

Nagbitiw na sa kani-kanilang mga posisyon sina Baldwin at ang dating team manager na si Epok Quimpo makaraan ang insidente.

Humingi rin ng paumanhin ang dating head coach sa mga pamilya ng mga manlalaro, ngunit sinabi ng ina ni Baterbonia na hindi sapat ang paghingi ng tawad.

Noong Huwebes, humarap ang assistant coach na si Sandro Soriano sa National Bureau of Investigation (NBI) sa gitna ng patuloy na imbestigasyon ng ahensiya sa insidente.

Dumating ang siyam na manlalaro mula sa men's basketball team ng Ateneo sa NBI pasado 1 p.m. nitong Huwebes kasama ang kanilang mga kamag-anak at abogado para magbigay ng kanilang mga pahayag, ayon sa ulat ni John Consulta ng GMA News.

Dinala ang mga manlalaro sa iba't ibang silid para roon ibigay ang kanilang mga pahayag.

Inilagay sina Baldwin, Soriano, Quimpo at mga assistant coach na sina Reynaldo Jacinto Jr. at Dean Castaño sa ilalim ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO), na nangangahulugang aalertuhan ang mga awtoridad kung sakaling magtangka silang maglakbay sa ibang bansa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. – Joahna Lei Casilao/Jamil Santos/FRJ GMA News