Inihayag ni Senadora Risa Hontiveros ang pagtutol sa mga panawagan na ibaba ang minimum age sa mga taong masasangkot kriminal. Sa harap ito ng mga nagaganap na krimen na sangkot ang mga kabataan o menor de edad.
Sa panayam sa Kapihan sa Manila Prince Hotel nitong Huwebes, sinabi ni Hontiveros na bukas naman siya na amyendahan ang Republic Act No. 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act.
"Tutol ako sa pagpapababa ng minimum age for criminal responsibility," ani Hontiveros. "Pero sang-ayon ako na dapat i-review at i-evaluate at kung kinakailangan i-amend para palakasin yung Juvenile Justice and Welfare Act.”
Partikular umano na dapat susugan sa batas ang usapin para sa mas komprehensibo at epektibong intervention at diversion programs sa mga tinatawag na “children in conflict with the law.”
“Kasama na ang mga nakakagawa ng heinous crimes sa mga kapwa bata tulad nang sa Tacloban and always, always based sa principle ng best interest of the child," giit ng senadora.
Nagkaroon ng mga panawagan na amyendahan at ibaba ang minimum age ng mga dapat makasuhan makaraang maganap ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na tatlong estudyante ang nasawi.
Noong Huwebes, nagpahayag din ng suporta sa naturang panukala ang ina ni Joyancee Separa, isang Grade 9 student, na isa sa mga nasawi sa insidente.
Noong Hunyo 22, dalawang kabataan na edad na 14 at 15 ang nagpaputok ng baril sa loob ng San Jose National High School sa Barangay San Jose, Tacloban City. Tatlong estudyante ang nasawi habang ilan pa ang nasugatan.
Ayon sa Police Regional Office 8, nagsampa na ang mga awtoridad ng kasong kriminal laban sa 15-anyos na estudyanteng sangkot sa insidente. Ang dalawang Children in Conflict with the Law (CICL) ay naipasa na rin sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Tacloban City.
Sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, ang mga kabataang 14-anyos pababa sa oras na magawa ang krimen ay hindi mananagot sa ilalim ng naturang batas. Sa halip, isailalim siya sa isang intervention program.
Samantala, ang CICL na 15-anyos ngunit wala pang 18-anyos ay hindi rin basta-basta mapapanagot sa krimen na kaniyang nagawa, maliban na lang kung mapapatunayang na may “discernment,” o nauunawaan niya ang ginawa niyang krimen.
Sa ganitong mga kaso, nakasaad sa batas na sasailalim ang menor de edad sa mga prosesong nakatuon sa kapakanan ng bata. Maaari din siyang maging kuwalipikado sa diversion program o suspended sentence hanggang maging 18-anyos na siya. — FRJ GMA News

