Ibinahagi ng mga premyado at batikang direktor sa Pilipinas na sina Joel Lamangan at Jose Javier "Joey" Reyes, kung paano nila hinaharap ang mga artistang mahirap katrabaho sa set ng shooting.
Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda,” ikinuwento ni Joel na inaaway niya ang mga artista na masama ang ugali, habang hindi naman hinahayaan ni Joey na diktahan siya ng artista sa kaniyang trabaho bilang direktor.
"Inaaway ko,” ani Direk Joel.“'Pag hindi maganda ang ugali [ng artista], ibig sabihin minamaltrato ang mga crew, minamaltrato ang mga maliit sa produksyon. Nakakarinig sa akin.”
“Sinusumpa ko na hindi ko na siya makakatrabaho hanggang sa the end of time,” dagdag niya.
Gayunman, sinabi ng direktor na tatapusin pa rin niya ang ginagawa niyang proyekto.
“Tatapusin ko talaga ‘yung commitment ko. Pero next time na makita ko siya, ay nako, hanggang apat na reincarnation ayoko siyang makita,” ayon kay Joel.
Samantala, hindi rin gusto ni Joel na pakikialaman ng artista ang kaniyang trabaho bilang direktor.
"Hindi naman ikaw ang direktor dito, ako. Binabayaran kang artista, ako ang binabayarang direktor. Bakit ikaw ang nagdi-direk? Anong pakialam mo?," pagbahagi niya.
Sinabi naman ni Direk Joey na sapat na sa kaniya ang isang matalim na tingin sa naturang pagkakataon.
"Titingnan ko lang siya mula ulo hanggang paa. Hindi ko naman siya susundin. Doon lumalabas ang pagiging maton ko," ani Joey.
Ipinaliwanag din niya na kapag hinayaan niyang mangibabaw ang artista sa set, mawawala ang respeto sa kaniyang awtoridad bilang direktor.
“You do not question the authority of the director on the set,” ani Direk Joey. “Puwede kang mag-suggest, puwede tayong mag-collaborate, but do not dictate. Because bilang director ako, hindi ako nagdi-dictate, nagko-collaborate ako.”
Tungkol sa mga artista na hindi marunong umarte, sinabi ni Direk Joel na may isang dating artista na isinama ng producer sa isa niyang proyekto na sinabihan niyang mag-waiter na lang.
“Nag-waiter sa Dubai, naging successful,” kuwento ng direktor tungkol sa dating artista na isa na umanong head waiter.
Ayon din kay Direk Joel, marami na ring artista ang nag-walkout sa kaniya habang nasa set. Gayunpaman, karamihan sa kanila ay bumabalik din dahil alam nilang mahalaga ang exposure na makukuha nila sa proyekto.
Kilala si Direk Joey sa mga pelikulang Kasal, Kasali, Kasalo, Mga Mumunting Lihim, at Batang PX, at iba pa.
Samantala, ilan sa mga pelikulang ginawa ni Direk Joel ang The Flor Contemplacion Story, Rainbow's Sunset, at Mano Po.—Nika Roque/FRJ GMA News
