Libu-libong residente sa Guam at Northern Marianas ang nawalan ng kuryente nitong Martes matapos manalasa ang Super Typhoon Bavi sa US Pacific territories, ngunit wala namang naitalang nasawi. Ang bagyo na nasa sa Pacific Ocean, bahagyang humina at bumagal at nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Martes ng umaga.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing pinakamatinding tinamaan ng bagyo ang maliit na isla ng Rota, nitong madaling-araw ng Lunes. Umabot sa 180 milya (290 kilometro) kada oras ang lakas ng hangin nito, na nagpatumba ng mga puno at linya ng kuryente at nakaapekto rin sa suplay ng tubig.

"Many homes have suffered severe damage, with countless roofs completely torn off... Across the island, there is no electricity, no running water, and no mobile network service," ayon sa residenteng si Masum Dhali.

"Numerous water pipelines have been broken, and many power poles have fallen, leaving the entire island without essential services," dagdag ni Dhali sa AFP via Facebook.

"As of right now, still no water and electricity," pagkumpirma ni Lou Rosari, spokeswoman ng Municipal Operations Center on Rota nitong Martes.

"Fortunately, we haven't received any reports of any injuries or casualties," sabi naman ni Rota senator Donald M. Manglona nitong Lunes ng gabi sa isang video na naka-post sa Marianas Press.

"Our first responders and road crew are still out on the road trying to get access for our response vehicles to pull out and answer any distress calls. He still don't have any running water nor power," dagdag niya.

Nawalan din ng kuryente ang Saipan at Tinian, ang dalawang pangunahing isla ng Northern Marianas, gayundin ang ilang bahagi ng kalapit na Guam, na isa ring teritoryo ng Amerika at kinaroroonan ng mahahalagang base militar ng US.

Gayunman, sinabi ng mga awtoridad na hindi gaanong matindi ang pinsalang dulot ng Bavi sa mga islang kumpara sa pinsalang iniwan ng Super Typhoon Sinlaku, na tumama sa rehiyon noong Abril.

Nasa Labas ng PAR

Samantala, sinabi ng Philippines state weather bureau na PAGASA nitong Martes ng umaga na bahagyang humina at bumagal ang kilos ng bagyo sa Pacific Ocean, sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), .

Dakong 10:00 am, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,845 kilometro sa silangan ng Gitnang Luzon. Taglay nito ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 185 kilometro kada oras malapit sa gitna, na mas mababa kaysa sa 195 km/h na naitala dakong 3:00 am. Mayroon din itong pagbugsong umaabot sa 230 km/h.

Kumikilos ito pahilagang-kanluran (west northwestward) sa bilis na 20 km/h, na mas mabagal kaysa sa 30 km/h na naitala pitong oras bago nito.

"While over the Philippine Sea, it will move generally northwestward toward the Ryukyu Islands. This tropical cyclone is forecast to maintain its strength as a super typhoon as it enters PAR," saad ng PAGASA sa 11:00 a.m. advisory.

"Gradual weakening is expected as it moves near Extreme Northern Luzon while approaching eastern Taiwan," dagdag nito.

Inaasahang papasok si Bavi sa PAR sa pagitan ng Martes ng gabi at madaling-araw ng Miyerkules. Pagpasok nito sa bansa, tatawagin itong Bagyong Inday.

Sinabi ng PAGASA na maaaring itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 at No. 3 sa hilaga at silangang bahagi ng Hilagang Luzon habang dumaraan ang bagyo.

"Due to the uncertainty in terms of radius of strong winds, the possibility of raising wind signals over the eastern portions of Southern Luzon and Visayas is not ruled out," ayon sa PAGASA.

Dagdag pa ng ahensiya, dahil sa kawalan ng katiyakan sa lawak ng malalakas na hangin, hindi rin isinasantabi ang posibilidad na magtaas ng wind signals sa silangang bahagi ng Timog Luzon at Visayas.

Dahil sa Habagat, kasama ang panlabas na sirkulasyon ng Bavi, inaasahan na magdadala ito ng malalakas hanggang halos bagyong pagbugso ng hangin, lalo na sa mga baybayin at matataas na lugar sa mga sumusunod na parte ng bansa:

  • Martes: Karamihan sa Mindanao
  • Miyerkules: Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, malaking bahagi ng MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, at Mindanao
  • Huwebes: Karamihan ng bansa

Nagbabala rin ang PAGASA ng malalakas na pag-ulan dulot ng Habagat sa mga sumusunod na lugar:

Miyerkules ng tanghali hanggang Huwebes ng tanghali (50–100 mm):

  • Antique
  • Negros Occidental
  • Sultan Kudarat
  • Sarangani

Huwebes ng tanghali hanggang Biyernes ng tanghali (50–100 mm):

  • Occidental Mindoro
  • Palawan
  • Antique
  • Guimaras
  • Iloilo
  • Negros Occidental
  • Lanao del Norte
  • Lanao del Sur

"Forecast rainfall may be higher in mountainous and elevated areas. Moreover, impacts in some areas may be worsened by significant antecedent rainfall," ayon pa sa PAGASA.

Sa panayam sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Deputy Administrator Bernardo Rafaelito Alejandro IV, na mino-monitor na ng ahensiya si “Bavi” mula pa noong katapusan ng linggo at inatasan na ang mga kasamang ahensiya na maghanda sa posibleng epekto nito.

Samantala, sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na inilagay na nito sa high alert ang mga disaster response unit nito bilang paghahanda sa inaasahang pagpasok ng super typhoon sa PAR.— may dagdag na ulat mula sa Agence France-Presse/FRJ GMA News