Isang babae ang nasawi, habang isa pa ang nasugatan matapos silang pagbabarilin ng asawa ng isa sa mga biktima sa Davao City noong Linggo, Hulyo 5, 2026.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao, sinabing naiwang umiiyak ang mga anak ng nasawing biktima na si alias "Jem," 48-anyos, na barilin ng salarin sa harapan ang kaniyang mga anak.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagtitinda ng prutas si Jem sa Lakandula Street, Barangay Ubalde, Agdao nang maganap ang insidente bandang alas-7:48 ng gabi.
Binaril din ang kapatid ng biktima na kinilala sa alyas na "Joan."
Nakuhanan ng video si Joan habang duguan at humihingi ng tulong. Pagdating niya sa Del Pilar Street, sumakay siya sa isang e-bike upang madala sa ospital.
Isinugod din si Jem sa ospital ngunit idineklara siyang dead on arrival. Kinilala ang kaniyang mister bilang pangunahing suspek sa krimen.
“Ang motibo is selos daw accordingly base sa investigation. Prior sa shooting incident aduna silay panag-away nga nahitabo kato gihapong adlawa, niagi ang motor naka NMAX gibaril,”
Ayon kay Davao City Police Office (DCPO) Spokesperson, Police Major Teresita Gaspsan, selos ang lumalabas na motibo sa krimen.
Bago mangyari ang pamamaril, nagkaroon ng pagtatalo sina Jem at suspek nang araw na ito. Hanggang sa dumaan ang suspek na sakay ng isang NMAX motorcycle at doon niya pinagbabaril ang mga biktima.
Ayon sa isa sa mga anak ng biktima, dati nang pinagbantaan ng kaniyang stepfather na suspek na papatayin ang kaniyang ina.
Minsan na rin umanong nagpadala ang kaniyang ina ng screenshot ng chat ng ginawang pagbabanta ng suspek laban sa biktima. Sinasaktan din umano ng suspek ang biktima, ayon pa sa anak.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang suspek upang papanagutin sa ginawa niyang krimen.
Nanawagan ang anak ng biktima sa suspek na sumuko na , nagsabi rin na mahirap ang mawalan ng ina.—FRJ GMA News
