Kinumpirma ni Sofia Pablo na hindi na siya nililigawan ni Allen Ansay.
Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabi ni Sofia na mahirap pagsabayin ang career at pag-ibig.
“Siyempre, pareho po kami na bata pa and marami kaming dreams for our family,” ayon sa young actress. “Maybe it’s not the right time to continue talaga na pursue namin ‘yung isa’t-isa.”
Sinabi rin ni Sofia na nagpapasalamat siya kay Allen dahil nagsalita na ito tungkol sa tunay nilang estado. Aniya, una nilang napagkasunduan na huwag na itong ibahagi sa publiko dahil personal ang usapin, ngunit nauunawaan nilang magtataka ang kanilang mga tagahanga kung bakit hindi na sila nakikitang magkasama.
"Initially po kasi ang naisip po namin is hindi na namin nga sasabihin sa public kung ano man 'yung status ng ligawan kasi it's personal naman sa 'min, but we understand the fans, syempre magtataka sila kung bakit hindi na kami nagkakasama," paliwanag niya.
Nagsalita rin si Sofia tungkol kay Iñigo Jose, na kasalukuyang iniuugnay sa kaniya.
“Kasi siyempre may mga fan gatherings kami and even naman inside the house naging close naman po talaga kami,” ani Sofia.
“I don’t think na dapat isipin talaga ng tao na there’s someone involved kung bakit tumigil si Allen,” she added. “Kasi clear po talaga sa ‘min ni Allen na tumigil kami kasi we want to focus on our respective careers,” dagdag niya.
Ayon din kay Sofia, bukas pa rin siya sa posibilidad na makatrabaho muli si Allen pero kailangan din daw nilang lumago sa labas ng kanilang loveteam.
Matagal nang hayagang ipinapakita ni Allen ang kanyang paghanga kay Sofia. Gayunman, sa isang komento niya sa TikTok noong nakaraang weekend, ibinahagi ng aktor na noong Marso pa siya tumigil sa panliligaw. Aniya, maayos ang kanilang samahan at wala namang nasaktan.
Ipinaliwanag din ni Allen na nagbago na ang kanilang mga prayoridad, lalo na pagdating sa trabaho, at nananatili ang kanilang respeto sa isa't isa.
Sa huli nilang panayam sa GMA News Interviews, natalakay ni Allen ang tungkol sa kani-kanilang prayoridad bilang artista, at nagpasalamat na nakasama niya si Sofia mula sa simula ng kaniyang pagpasok sa mundo ng showbiz. —Nika Roque/FRJ GMA News
