Nagwagi sina Will Ashley at Rochelle Pangilinan ng mga parangal sa ika-9 na Entertainment Editors' Choice (The Eddys) Awards, na inorganisa ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).

Sa awarding ceremony na ginanap sa Ceremonial Hall ng Newport World Resorts nitong Linggo ng gabi, tinanggap ni Will ang Best Supporting Actor award para sa kaniyang pagganap sa Bar Boys: After School, kasama si Rico Blanco, na kinilala rin para sa Manila Finest.

Samantala, nanalo naman si Rochelle ng Best Supporting Actress award para sa kaniyang papel sa Child No. 82, habang pinarangalan naman ang dating GMA Showbiz reporter na si Lhar Santiago ng Manny Pichel Award.

"Sa GMA News dun ko masasabi na talagang na-inculcate sa akin ang kahalagahan ng fairness, ng paghanap ng truth, ng integrity pagdating sa broadcast journalism," sabi ni Lhar sa kaniyang talumpati.

Sa Instagram, masayang ibinahagi ni Rochelle ang kaniyang tagumpay.

"Napakalaking karangalan na manalo ng BEST SUPPORTING ACTRESS sa The 9th Eddys Entertainment Editors’ Choice," saad ni Rochelle na binati rin ang mga kapuwa niya nominado, at pinasalamatan ang "Child No. 82" family.

Samantala, ayon sa ulat ni Aubrey Carampel sa 24 Oras nitong Lunes, pinarangalan ang bida ng The Master Cutter na si Rio Locsin ng Eddys Movie Icon Award, kasama ang mga beteranong aktor na sina John Arcilla, Edgar Mortiz, at Janice de Belen.

"Isa pong napakalaking karangalan ang magawaran ng ganitong pagkilala sa larangan na halos apat na dekada ko na kinabibilangan," ani Rio.

Dumalo rin sa seremonya ang bida ng The Master Cutter na si Dingdong Dantes para sa paglulunsad ng isang espesyal na audio-visual presentation (AVP) para sa pinagsamang proyekto ng Aktor PH at ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).

Kabilang si Dingdong sa mga nominado sa ika-9 na Eddys, gayundin si Barbie Forteza, para sa kani-kanilang mga pagganap sa Only We Know at Kontrabida Academy.

"The fact na na-nominate, sobrang saya-saya ko na, so ayos na 'yun, pero siyempre andito rin ako to present something because recently we partnered with SPEEd, kumbaga joint project namin para sa community, para sa industriya," sabi ni Dingdong.

Kinikilala ng The Eddys ang kahusayan at natatanging mga tagumpay sa pelikulang Pilipino. Maingat na pinipili ang mga nominado ng isang grupo ng mga kilalang entertainment editors at mamamahayag mula sa mga pangunahing broadsheet, tabloid, at online news organizations sa buong bansa. — Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News