Nasawi ang isang pitong-taong-gulang na lalaki sa Quezon City matapos siyang mahulog sa Dario River sa bahagi ng sirang riprap habang naglalaro umano ng saranggola nitong Lunes.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente dakong 6:00 pm nitong Lunes sa Barangay Bahay Toro sa Quezon City.

.Ayon sa ina ng biktima, kararating lamang ng kaniyang anak mula sa paaralan at agad itong naligo matapos mabasa nang malakas na ulan. Aniya, nakita pa niyang lumabas ng bahay ang bata.

“Pagliko ko diyan sa may kanto namin, nakita ko pa [ang] anak ko. Sabi ko, ‘Joe, halika na, uwi na tayo, umaambon.’ Akala ko sumunod, hindi rin,” ani Rea Asuncion, ina ng biktima.

“Hindi pa ako nakakaupo doon sa itaas, nilapag ko lang ‘yung dalahin ko, maya-maya may sumigaw na ‘yung anak ko nalaglag sa ilog. Tumakbo na ako,” patuloy niya.

Dagdag niya, bago ang trahediya, nakita niya ang anak na naglalaro ng saranggola.

“Ang kuwento lang ng mga bata, nadulas daw siya kasi nalaglag ‘yung sinulid niya, so inaabot niya, dumiretso siya pero nakahawak pa raw siya sa may punong maliit nanghihingi ng saklolo,” sabi ni Asuncion.

Mataas umano ang antas ng tubig sa ilog nang sandaling iyon dahil na rin sa pag-ulan.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, sira ang bahagi ng riprap kung saan nahulog ang bata dahil na rin sa bagyo noong pang nakaraang taon. Sinabi rin nilang patuloy nilang pinapaalalahanan ang mga residente, lalo na tuwing tag-ulan, na mag-ingat sa naturang lugar

“Nung nasira siya ni-request namin kasama yung mga residente doon nag-request kami sa local government sa MMDA so meron na rin nagsukat doon so alam ko ginagawa na rin siya,” sabi ni Bahay Toro Barangay Captain Medi Alcantara.

Nang Lunes din na iyon ng gabi, nagsagawa ng surface search ang Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) at Bureau of Fire Protection (BFP) sa kahabaan ng San Francisco–Del Monte River sa mga lugar ng Barangay Masambong at Barangay Damayan, na konektado sa Dario River para hanapin ang bata.

Ipinagpatuloy pa dakong 1:00 am nitong Martes ang paghahanap sa bata ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at QCDRRMO. Tumulong din sa paghahanap ang ama ng bata at ilan nilang kaanak.

Pagkaraan ng halos 12 oras, nakita ang katawan ng bata sa San Juan River sa Barangay Apolonio Samson nitong Martes ng umaga matapos mamataan isang nangangalakal ng basura ang biktima.

“Itinawag sa akin ng mangangalakal, ‘Tay, may patay dito sa ilog’ sabi niya. Sinikwat niya ng kahoy, nakita ko tao nga. Sabi ko ‘diyan ka lang kasi tatawag ako sa barangay kasi kagabi hinahanap na namin 'yan,’” ayon kay Nilido Villamor, na isang caretaker.

Patuloy naman na iniimbestigahan ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit ang insidente. – Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News