Magkakaroon ng price cap na P299 ang presyo ng tiket para sa mga pelikula ng Metro Manila Film Festival (MMFF) sa darating na Disyembre 2026.

Sa kickoff ng ika-52 Metro Manila Film Festival nitong Martes sa GH Mall, inanunsyo ni MMDA Chair at MMFF Overall Chair Atty. Don Artes, hindi lalampas sa P299 ang presyo ng tiket sa mga pelikulang kalahok sa taunang film festival para sa buong panahon ng MMFF.

"Nagkasundo kami ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines na ang presyo ng tickets sa sinehan ay hindi dapat lalagpas ng P299," deklara niya.

"Ito po ay during festival period lamang, at 'yung P299 ay maximum. Puwede pa bumaba, lalo na sa mga probinsya," paliwanag niya.

Ayon kay Artes, nahirapan ang selection committee na pumili ng apat na pelikula mula sa 26 na isinumiteng script.

Ipinangako rin niya na magdadala ang MMFF ngayong taon ng ilang bagong inobasyon, kabilang ang pagkakaroon ng dalawang host city—San Juan at Mandaluyong.

Bukod dito, dadalhin din ang festival sa Bacolod, kung saan magsasagawa ng iba't ibang aktibidad at programa.

"Amid political noise, ang pelikula ay isang unifying event, especially sa season ng kapaskuhan," dagdag ni Artes. — FRJ GMA News