Inilabas na ngayong Martes ang unang apat na pelikulang opisyal na kalahok sa ika-52 Metro Manila Film Festival (MMFF) na mapapanood sa darating na Disyembre.

Inanunsyo ang mga opisyal na pelikulang kalahok sa kick-off event ng MMFF 2026 na ginanap sa GH Mall sa San Juan.

Ang apat ay kinabibilangan ng “2nd Miracle in Cell Number 7,” na pinagbibidahan ni Aga Muhlach. Magsisilbi itong sa 2019 Filipino adaptation ng hit Korean drama.

Kasama rin ang pelikulang "Amir," na mula sa GMA Pictures, at kinabibilangan nina Argus Aspiras, Dennis Trillo, Will Ashley, at Glaiza de Castro. Sa direksyon ito ni Zig Dulay.

Pasok din ang horror film na "Haunted Carnival," sa direksyon ni Joey De Guzman, na pagbibidahan nina Julia Barretto, Fyang Smith, Maricel Soriano, James Reid, at John Arcilla.

Magsasama naman sina Vice Ganda at Vic Sotto sa "The Greatest Showdown," na ididirek ni Jun Robles-Lana.

Nauna nang inanunsyo ni Atty. Don Artes, chairperson ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at overall chair ng MMFF, na ang presyo ng tiket sa mga sinehan sa panahon ng film festival ay hindi lalampas sa ₱299.

"Nagkasundo kami ng Cinema Exhibitors Association of the Philippines na ang presyo ng tickets sa sinehan ay hindi dapat lalagpas ng P299," ani Artes.

Nilinaw din niya na ang itinakdang price ceiling ay ipatutupad lamang sa panahon ng festival at maaari pang maging mas mababa ang presyo ng tiket sa ilang lugar.

"Ito po ay during festival period lamang, at 'yung P299 ay maximum. Puwede pa bumaba, lalo na sa mga probinsya," dagdag niya. — FRJ GMA News