Nasawi ang isang babae matapos siyang saksakin ng kaniya umanong kinakasamang lalaki sa Toledo, Cebu.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabi ng kapatid ng biktima na ang mismong ka-live in ng nasawi ang may kagagawan ng krimen na nangyari nitong Sabado.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nalaman na nais nang makipaghiwalay ng biktima sa suspek.
Pero nagbanta umano ang suspek na papatayin niya ang biktima kung itutuloy ang plano nitong hiwalayan siya.
Naaresto rin ang suspek kinabukasan matapos gawin ang krimen. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag. – FRJ GMA News
