(Sensitibong paksa tungkol sa sakit sa maselang bahagi ng katawan ng kalalakihan.)

Matapang na ibinahagi ng 2015 “That’s My Bae” grand winner na si Kenneth Earl Medrano, ang pinagdaanang matinding pagsubok sa kaniyang buhay nang magkaroon siya ng testicular cancer o cancer sa bayag. Ano nga ba ang delikadong sakit na ito na nakamamatay kung hindi kaagad matutuklasan at maaagapan? Alamin.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho,” ibinahaging muli ni Kenneth ang naging karanasan niya sa naturang sakit na karaniwang mga lalaki na nasa edad 15 hanggang 35 ang maaaring tamaan.

Ang naturang karanasan ni Kenneth, una niyang ibinahagi sa social media nang ma-diagnose na mayroon siyang testicular cancer.

Nagsimula raw ang lahat kay Kenneth noong nakaraang Disyembre nang may makapa siyang bukol sa naturang maselang bahagi ng kaniyang katawan— ang bayag.

“Parang may nakaumbok. Habang tumatagal nag-iba talaga specially yung size sa right na testicle ko. Alam ko sarili ko na may iba. Hula ko lang cancer talaga siya,” sabi ni Kenneth na nakabase na ngayon sa Cebu.

Ang partner daw niyang si Mhae na nakahalata na rin sa kaniyang kondisyon ang nagpilit kay Kenneth na magpa-checkup.

Dahil duda raw ang duktor na hindi karaniwang impeksyon ang kondisyon ni Kenneth, iniutos nito na magpagawa siya ng lab test na blood markers for cancer.

Doon na nakumpirma na may testicular cancer si Kenneth sa isa niyang bayag at malaki na ang bukol.

“Parang gumuho po yung mundo ko. Bakit ako? May baby pa ako, gusto ko pang makita yung mga apo ako,” saad niya.

Upang magamot, inirekomenda kay Kenneth na sumailalim siya sa tinatawag na orchiectomy, o operasyon para alisin ang bayag na may bukol.

Pero sa naturang procedure, inihayag ng duktor na maliit na ang tiyansa na magkaanak pang muli sila Kenneth at kaniyang partner.

Kaya naman na ipinagpapasalamat ni Kenneth na nagkaroon na sila ng baby ni Mhae.

Ayon kay Kenneth, pinaghanda siya ng duktor ng P250,000 na gagastusin sa operasyon kaya nalimas ang kaniyang ipon.

Nitong nakaraang Pebrero, naoperahan na si Kenneth. At pagkaraan lang ng dalawang linggo matapos ang operasyon, balik na rin siya sa trabaho.

Ayon sa mga eksperto mataas ang tiyansa na gumaling ang pasyenteng tatamaan ng naturang sakit kung maagang matutuklasan upang magamot kaagad.

Pero kung mapapabayaan, lubos itong delikado dahil maaaring kumalat sa ibang bahagi ng katawan ang cancer cells.

Ang isang pasyente rin na nagkaroon ng testicular cancer, bagaman inalis na ang apektadong bayag, kinailangan pa rin sumailalim sa chemotherapy dahil may iba pang bahagi ng katawan ang tinamaan na ng cancer.

May pagkakataon din na magkaroon ng komplikasyon ang pasyente kung hindi kaagad maaagapan ang testicular cancer na maaaring mauwi sa kamatayan.

Ayon kay Dr. Jerome San Jose, Urologist, isa sa mga posibleng cause o risk factor sa testicular cancer ay strong family history o kung mayroong kamag-anak na nagkaroon din ng testicular cancer.

Sa kaso ni Kenneth, posible raw na nasa lahi nila ang naturang sakit matapos sabihin sa kaniya ng pinsan na may tiyuhin sila na nagkaroon din ng naturang kondisyon.

May pasyente rin na nagkakaroon ng testicular cancer dahil sa cryptorchidism o undescended testicle, o hindi bumaba sa scrotal sack o scrotum ang isa o parehong bayag mula sa kaniyang pagkapanganak.

Maaaring dahilan din nagkakaroon ng problema sa hormone na tinatawag na testosterone.

Ang isang pasyenteng na may testicular cancer, inakala lang daw noong una may UTI (Urinary Tract Infection) siya na nagdulot ng pananakit ng kaniyang tiyan at hirap sa umihi.

Sa website ng Mayo Clinic, nakasaad dito na mga lalaking nasa edad na 15 hanggang 45 ang maaaring tamaan ng naturang sakit.

Ilan sa nakalistang sintomas at palatandaan ng testicular cancer na karaniwan umano na isang bayag lamang ang naapektuhan ay:

  • Bukol o pamamaga sa alinman sa dalawang bayag
  • Tila mabigat sa scrotum o tila supot na balat na kinalalagyan ng bayag
  • May pananakit sa ibabang bahagi ng tiyan o singit
  • Biglaang pamamaga ng scrotum
  • Pananakit o hindi komportableng pakiramdam sa bayag o sa scrotum
  • Pananakit ng likod

Kung makararamdam ng sakit na tumatagal ng hanggang dalawang linggo, pinapayuhan na ang pasyente na magpunta at magpasuri sa duktor.

Ayon sa KMJS, bihira man kung tumama ang testicular cancer, napakadelikado nito lalo na kung hindi naaagapan at nagagamot. –- FRJ GMA News